Mariel, todo-asikaso sa biyenan… SEN. ROBIN, AYAW NANG IPADALA ANG MADIR SA OSPITAL SA TAKOT MAHAWA NG VIRUS

ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | October 20, 2026

Photo: FB Robin Padilla
May update ang aktor-senador na si Robin Padilla sa kalagayan ng kanyang inang si Mommy Eva Cariño na ibinahagi niya sa kanyang social media account.
Ani Robin, “Alhamdulillah (Praise be to Allah).
“Bagama’t nakararanas ng matinding jet lag ang aking asawa, nakatutok pa rin s’ya sa kalagayan ng aking mahal na ina.
“Maraming salamat po, Doc Rodney at Doc Elpidio Nolasco, sa pagsasagawa ng home visit kay Mama Eva. Pinakiusapan sila ni Kuya Doc Thad Evangelista na tingnan ang bed sore ni Mama Eva.
“‘Di ko na kasi ipinapadala si Mama sa ospital dahil masyadong mahirap na sa kanyang kalagayan at edad. Bukod sa takot ako na makakuha s’ya ng virus du’n katulad ng pneumonia.
“Maraming-maraming salamat po uli sa mga doktor na muling nagbabalik ng home consultation para sa mga matatanda na wala nang kakayahang maglakad at vulnerable na sa sakit.”
Get well soon, Mommy Eva.
KATRINA, ‘DI RAW HINANAP SI KRIS, KUSANG BUMALIK
Super-saya ang naging ganap sa GMA show na The People Have Spoken (TPHS) nang mag-guest ang mga aktres na sina Jillian Ward at Katrina Halili, kasama ang singer na si Kris Lawrence.
Sa panayam, tinanong ng TV host-aktres na si Heart Evangelista ang dalawang aktres tungkol sa pag-ibig.
Tanong ni Heart, “Ang pag-ibig daw ay kusang dumarating kahit ‘di mo hanapin. Sang-ayon ka ba rito?”
Sagot ni Jillian, “Maghintay ka lang kasi kusang darating ang love para sa ‘yo. Kasi ‘pag pinilit mo s’ya, baka ‘di ‘yun love.”
Sumang-ayon naman si Katrina at nakangiti, “‘Yun din ang sagot ko, kasi ‘yun din ang ginawa ko.”
Oo nga naman! Kita n’yo, nagkabalikan din sila ni Kris Lawrence.
Hindi naman pinalampas ni Heart ang pagkakataong tanungin si Katrina kung gaano siya katagal naghintay.
Ani Katrina, “Ako, naghintay lang ako kung ano ang ibibigay sa ‘kin ni God. Ganu’n, ‘di ko hinahanap.”
Hirit pa ni Heart, “Kailan kayo huling kinilig?”
Nakangiting sagot ni Katrina, “Wala po... ngayon, sige na nga.”
Well, jackpot winner ang magdyowang Katrina at Kris matapos nilang maiuwi ang P200,000 sa nasabing episode ng TPHS.
Samantala, bago matapos ang programa, nagbahagi rin si Heart at ang co-host niyang si Sean Lucas ng mga aral na kanilang napulot mula sa show.
Sey ni Heart, “Magpakatotoo ka. Basta mabuti ang iyong puso, only good will happen to you.
“‘Di hahayaan ni Lord na ibigay sa ‘yo ang mga bagay na ‘di mo kakayanin. The goodness and the kindness of your heart will always win. And ‘yun lang, be yourself!”
Sey naman ni Sean, “Respect everybody’s opinion. ‘Di mo alam kung ano’ng pinagdaraanan ng tao, so just be nice to everyone.”
Well, big tumpak ka r’yan, Sean. Be nice to everyone. Pak, ganern!
ISANG abandonadong mansiyon na may nagpaparamdam daw na matandang babae at bata ang tampok sa unang episode ng Philippines’ Most Haunted (PMH), ang bagong horror documentary series ng ABS-CBN News na hosted ni Joonee Gamboa. Nagsimula na itong mapanood noong Oktubre 15, alas-8 ng gabi, sa ABS-CBN News YouTube (YT) channel.
Dadalhin ng beteranong aktor ang mga manonood sa mansiyon sa Northwestern Luzon.
Ayon sa pamilyang dating nakatira rito, naramdaman nila ang presensiya ng dalawa. Isang paranormal expert naman ang sumubok na makipag-ugnayan sa pinaniniwalaan nilang mga espiritu sa bahay.
Gamit ang kanyang malalim na boses at husay sa pagkukuwento, ihahatid ni Joonee ang mga kuwento ng kababalaghan mula sa iba’t ibang lugar.
Ang PMH ay pinakabagong digital show na inilunsad ng ABS-CBN News.
Dumarami na rin ang digital shows ng ABS-CBN News, kabilang ang patok na Philippines’ Most Shocking Stories, na nasa ikaapat na season na, Philippines’ Oddest Jobs at Oh My Gan!
Para sa dagdag na kilabot ngayong Halloween, mapapanood din sa channel ang Possessed: Real Stories from Filipino Exorcists ni John Arcilla, Philippines’ Strangest Mysteries at mga horror special ng Magandang Gabi… Bayan at Kababalaghan ni Noli de Castro.
Abangan ang Philippines’ Most Haunted tuwing Huwebes, alas-8 ng gabi, sa YT channel ng ABS-CBN News. Mapapanood din ito sa iWant.
‘Yun lang, and I thank you.





Comments