Japan, nahirapan bago nagwagi vs. Taiwan, 2-0 na sa AVC Cup
- BULGAR
- Aug 23, 2022
- 2 min read
ni VA / MC - @Sports | August 23, 2022

Hindi naging madali para sa 2018 runner-up Japan ang walisin ang katunggaling Chinese Taipei sa straight set 25-22, 25-22, 25-22 kasunod ng matamlay na opensa galing sa mga manlalaro sa pagkuha ng ikalawang sunod na panalo sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Cup for Women sa Philsports Arena sa Pasig City Lunes ng umaga.
Kumpara laban sa naunang panalo kontra sa Thailand sa unang laro na mas naging epektibo ang takbo ng opensa nang magtala ng kabuuang 53-of-131 atake sa straight set, kumpara sa 46-of-162 laban sa Taiwanese team.
Rumehistro si Yuki Nishikawa ng 11 puntos para sa Japan, habang nag-ambag ng tig-9 puntos sina Mizuki Tanaka, Asuka Hamamatsu at Miyu Nakagawa. Kumunekta naman sina middle blocker Hiroyo Yamanaka ng 5pts at setter at team captain Mika Shibata sa 4pts.
Nakapalo ang Taiwanese team ng kabuuang 49-of-160 atake na pinagbidahan ni Chang Li-Wen sa 16pts mula 15 atake at sinegundahan nina Lin Shu-Ho sa 10pts, Chen Tzu-Ya sa 8pts at middle blocker Kan Ko-Hui sa 7pts.
Naging malaking bagay sa panalo ng Japanese squad ang mas maraming error ng Taiwanese sa 22 kumpara sa 12 lamang ng Nippon crew, na nagnanais na mas pagandahin at ayusin ang susunod na laro kontra Australia sa Huwebes.
Sasabak sa kanilang huling laro ang Japanese team kontra Australia sa preliminary round ng Pool B ng 1 p.m. matapos umatras ng Kazakhstan, bago ang pagsisimula ng quarterfinals sa Sabado, habang susubukang makabawi ng Chinese Taipei laban rin sa Australians ngayong p.m.
Mga laro ngayong araw (Martes)(Philsports Arena)1:00 n.h. – Australia vs Chinese Taipei (A)4:00 n.h. – Vietnam vs Iran (A)7:00 n.g. – Philippines vs China (B)








Comments