Brondial best player... Cruz at Rosales bumida sa SMB para lumapit sa korona
- BULGAR

- 6 minutes ago
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 30, 2026

Photo: Hindi na umabot pa ang tangkang pag supalpal ni Henry Galinato Jr. Ng Talk N Text Tropang 5G sa matikas na lay-up basket ni Moala Tautuaa ng San Miguel Beermen sa kasagsagan ng kanilang maaksyong tagpo para sa PBA Philippine Cup finals game 5 sa Ynares Center, Antipolo City. (Reymundo Nillama)
Laro ngayong Linggo - MOA
7:30 PM SMB vs. TNT
Nabuhayan ng todo ang defending champion San Miguel Beermen sa pangatlong quarter upang masugpo ang TNT Tropang 5G, 96-82, sa napakahalagang Game Five ng 2025-26 PBA Philippine Cup Finals Biyernes ng gabi sa Ynares Center Antipolo. Balik sa SMB ang bentahe sa seryeng best-of-seven, 3-2, at maaaring mapitas ang korona ngayong Linggo sa MOA Arena.
Binuksan ng SMB ng 16-2 ang pangatlong quarter upang maagaw ang lamang at lumayo, 63-52, sa mga buslo nina June Mar Fajardo, Marcio Lassiter at Rodney Brondial. Lalong lumobo ito sa 77-59 sa likod nina Jericho Cruz at Kris Rosales at namuro na sa serye ang mga kampeon.
Tiniis ni Best Player Rodney Brondial ang mga sakit sa katawan para bumira ng 17 puntos at 15 rebounds. Sumuporta na may tig-14 sina Don Trollano at JMF na pumitas din ng 11 rebounds.
Bitbit ang positibong enerhiya mula sa 110-87 panalo sa Game Four, tumalon ang TNT sa 23-7 lamang sa unang pitong minuto. Humabol ang Beermen at naging isa na lang ang agwat, 47-48, sa mga shoot nina Lassiter, CJay Perez at JMF sa pagwakas ng pangalawang quarter.
Nagtala ng 20 si Calvin Oftana para sa TNT at sumunod sina Jordan Heading na may 13 at Henry Galinato na may 11. Hindi naglaro si Roger Pogoy na napilay noong Game Four.
Kung kailangan, ang Game Seven ay sa Pebrero 4 sa MOA pa rin. Ang mga koponan ay mga nagharap din sa huling Game Seven ng Philippine Cup Finals noong 2022 na 119-97 panalo ng SMB sa TNT sa Araneta Coliseum.








Comments