Iwas-horror na bakasyon... Publiko, maging mapanuri sa staycation scams
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | March 27, 2026

Siguraduhin munang totoo ang “dream vacation” mo, bago maglabas ng pera, dahil sa panahon ngayon, ang murang bakasyon ay maaaring mauwi sa mamahaling pagkakamali.
Habang dumarami ang gustong magpahinga at mag-enjoy, lalo ring dumadami ang mapanlinlang na modus na sumasabay sa travel season.
Nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) laban sa tinatawag na “staycation scam,” kung saan ang mga pekeng ahente ay nag-aalok ng murang accommodation na kadalasan ay hindi naman umiiral.
Gumagamit ang mga scammer ng magagandang larawan ng kuwarto at pasyalan upang makahikayat ng biktima, at madalas ay nagpapanggap bilang lehitimong third-party agents. Kapag nakabayad na ang customer, bigla na lamang silang hindi makontak.
ibinahagi ng ilang biktima ang kanilang karanasan, gaya na lamang ng agad umanong pinadalhan ng detalye at larawan ng kuwarto, ngunit pinilit umano na magbayad agad upang ma-reserve ang napiling petsa. Kalaunan, napagtanto niyang naloko siya.
Ayon sa kanya, masakit ang halagang nawala, dahil pinaghirapan iyon ng kanyang pamilya. Ganito rin ang sinapit ng ilang biktima na nawalan ng P5,000 matapos mag-book umano ng accommodation sa Boracay, ngunit kalaunan ay sinabihang hindi siya maa-accommodate.
Ayon sa isang kawani ng Fintech Alliance PH, mas nagiging mahirap at organisado na ang mga scammer ngayon, kaya’t mas mahirap silang matukoy.
Sa datos ng CICC, umabot na sa 2,820 ang naitalang staycation scam incidents sa unang bahagi pa lamang ng 2026, habang noong 2025 ay may kabuuang 6,462 kaso, patunay na patuloy ang paglala ng ganitong uri ng panlilinlang.
Hinimok ng ahensya ang publiko na i-report ang ganitong insidente sa hotline na 1326.
Magbubukas din ang ahensya ng action center upang matulungan ang mga biktima, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa mga bangko at financial institutions para sa posibleng pagbawi ng pera.
Binigyang-diin din ng CICC ang ilang red flags, gaya na lamang ng ang mga ahenteng nagmamadaling maningil, kawalan ng patunay na pagmamay-ari ng ino-offer na property, at presyong masyadong mababa para maging kapani-paniwala. Pinapayuhan ang publiko na gumamit lamang ng mga kilala at lehitimong booking platforms.
Ang staycation scam ay hindi lamang simpleng panloloko kundi salamin ng lumalawak na panganib at pananamantala.
Habang ang iba ay naghahanap ng pahinga, may mga taong naghahanap naman ng mabibiktima.
Sa ganitong realidad, ang pagiging mapanuri ang pinakamabisang proteksyon. Dahil ngayong tag-init na ang lahat ay gusto magbakasyon at magpahinga, dapat marunong mag-isip, maging mapanuri at maging matalino, lalo na kapag pera ang pinag-uusapan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments