Itinakdang presyo ng sibuyas malaking tulong sa mga mamimili
- BULGAR

- Dec 2, 2025
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | December 2, 2025

Palagi na lang tayong hinahabol ng taas-presyo tuwing papalapit ang Kapaskuhan, at ngayong taon, sibuyas na naman ang problema ng mga mamimili.
Kaya ang Department of Agriculture (DA), sa pamumuno ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ay nagpatupad na nitong Disyembre 1 ng maximum suggested retail price (SRP) na P120 kada kilo para sa pula at puting sibuyas, isang hakbang na sinasabing magpapabagal sa pagtaas ng presyo lalo ngayong holiday season.
Base sa monitoring ng DA, sumirit ang presyo ng sibuyas sa P300 hanggang P400 per kilo, dahilan upang pagdudahan kung talagang may paghihigpit sa suplay o iba pang rason para lamang kumita nang sobra.
Ayon kay Laurel, kahit may bahagyang pagkaantala sa imports, hindi rason ang ganitong taas-presyo dahil ang imported onions ay dumarating na ang presyo ay humigit-kumulang P60 per kilo, at ang SRP na P120 ay sapat para lahat sa supply chain na may makatarungang tubo, mula importer hanggang retailer.
Binigyang-diin ng ahensya na ito ay may kaunting dikit sa supply, pero hindi ito dapat gawing basehan para mangulimbat sa mga mamamayan sa pamamagitan ng sobrang taas na presyo. Maging ang Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS) ay nagsabing may mga retailers na pumapayag sa P120 SRP, basta’t mabigyan sila ng supply na P90 per kilo upang hindi sila malugi.
Sinabi rin ng DA na ang price ceiling para sa lokal na sibuyas ay maaari pang baguhin depende sa galaw ng farmgate prices, habang patuloy ang konsultasyon upang hindi maipit ang mga magsasaka.
Ipinaalala naman ni Laurel na nananatiling epektibo hanggang Disyembre 31 ang rice-import moratorium, bahagi ng pangkalahatang hakbang para parehong maprotektahan ang mga magsasaka at maayos na supply.
Sa taas ng mga bilihin, ang inaasam na suweldo ay hindi na sasapat, sa halip nauubos lamang nang ganoon kadali. Pero, dahil sa itinakdang presyo ng sibuyas, kahit paano ay nagiging magaan na rin ito sa mga mamimili.
Ang paghabol sa makatuwirang presyo ay hindi lamang polisiya, ito ay laban para sa dignidad ng bawat Pilipino na madalas nagbubuno sa mga pamilihan.
Sa panahong lahat ay nagnanais ng ginhawa, sapat na ang hiling ng taumbayan na presyong hindi kailangang pagtiisan, kundi karapat-dapat para sa hapag-kainan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments