Itinakbo sa ospital… TONI, MUNTIK NANG MAMATAY DAHIL SA KOMBULSIYON
- BULGAR
- May 13, 2021
- 3 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | May 13, 2021

“Barya (komisyon) lang kasi ang makukuha niya sa akin,” ito ang komento ni Alex Gonzaga sa tanong ng kanyang Ate Toni Gonzaga-Soriano sa Mommy Pinty nila kung bakit ipina-manage ang bunsong anak sa Star Magic samantalang ang panganay ay never ipina-manage sa iba.
Bago ipakilala ni Toni ang nanay nila ni Alex sa Mother’s Day episode ng Toni Talks sa YouTube channel ay nagbalik-tanaw ang TV host-vlogger na hindi niya natikman magkaroon ng ibang manager maliban sa ina.
“All my life, wala akong naging manager kundi siya (Mommy Pinty). Never akong na-handle ng kahit sino kundi siya lang, dahil nu’ng nagsisimula ako, walang gustong mag-manage sa akin, totoo ‘yan. Inilapit na niya ako kung kani-kanino, pero walang may gusto,” pagbabalik-tanaw ni Toni.
Kaya nagtataka si Toni kung bakit pagdating kay Alex ay hinayaan ng ina ang Star Magic na mag-manage sa karera ng kapatid.
“Kasi during that time, sobrang busy ako, may ipinapagawa ako nu’n. Ako lahat ang in-charge, tapos eleksiyon (kumandidatong vice-mayor si Daddy Bonoy), ang dami ko talagang gagawin that time,” paliwanag ni Mommy Pinty.
Pangungulit ni Toni, “Pero ako, hindi mo ako binitiwan.”
“Ay, hindi, bakit pa kita ipapa-manage sa iba? At least siya (Alex), nag-i-start pa lang, hindi naman siya ‘yung ano na (sikat na),” katwiran ng nanay ng magkapatid.
“Kumbaga, barya lang makukuha niya sa akin,” sambit ni Alex na ikinatawa nang husto nina Mommy Pinty at Toni.
Sabi pa ng ina, “At saka, sabi rin niya (Alex), ‘Mommy, gusto mo ba ako ipa-manage kay Mr. M?’ Sabi ko, ‘Sige.’ Ito (turo kay Alex), lagi kong napagbibigyan ang request, eh. Sabi ko, ‘Gusto mo ba?' Sige, para maka-relax-relax ako.”
Ano naman ang payo ni Mommy Pinty sa mga nanay na nagma-manage rin sa kanilang mga nag-aartistang anak? Paano nila mase-separate ang personal relationship at business na ayon kay Toni ay naging conflict nilang mag-ina.
“Kaya nga, communication is very important. Pagdating sa business, dapat…kasi sa totoo lang, parang hindi naman business ‘yung sa atin. Kasi until now, ‘yung kita nila, lahat intact, pati ‘yung kay Alex.
“Isine-save lang namin sa bangko, ini-invest and then, pagdating ng panahon na, ayan, nag-asawa siya (turo kay Toni), that’s the time na saka ko ibinigay ‘yung ano (pera) nila,” kuwento ni Mommy Pinty.
Naikuwento rin ng nanay nina Toni at Alex na proud siya sa dalawa dahil kahit hindi niya tinuruan ng gawaing-bahay ay natuto sila dahil nga nag-oopisina siya noon.
“Ganu’n naman dapat, mas madiskarte ang mga babae kasi tayo naman ‘yung umiikot sa bahay,” sambit ni Mader Pinty.
At kapag dumadalaw siya sa bahay nina Toni at Paul Soriano, “Napa-proud ako kasi nakikita ko ‘yung sarili ko sa ‘yo, maayos sa bahay,” nakangiting sabi ni Mommy Pinty.
Nairita naman daw si Alex sa nanay niya dahil pinakialaman nito ang pag-aayos ng mga damit nila ng asawang si Mikee Morada.
“Kasi 'di ba, 'pag nilabhan ang damit, itataas sa taas, tapos ilalagay kung saan dapat ilagay? Kaya inayos ko na ru'n sa cabinet para pagdating nila, wala nang aasikasuhin,” paliwanag ng ina.
Tapos, dagdag nito, “Pumasok ba naman sa kuwarto, sabi, ‘Next time, Mommy, ‘wag mo pakikialaman ang gamit ko, mali-mali ‘yung lagay mo.' Umayos nga cabinet mo dahil sa akin,” sabay baling kay Alex.
“Hayan, nag-aaway na sila," natatawang sabi ni Toni.
Ibinuking pa na linis daw nang linis si Alex nang wala sa oras.
“Darating ng galing taping nang ala-una o alas-dos (madaling-araw), may nakita na konting ano, nagba-vacuum. Kahit may bisita, nagba-vacuum.”
Samantala, nabanggit ni Toni na muntikan na siyang mamatay noong bata pa siya dahil naging black and blue siya noong isang taong gulang pa lang siya.
“Nag-convulsion kasi siya nu’ng bata, umakyat na lahat ng init sa ulo.
“Ang panalangin ko, huwag kang kukunin. Tapos, tinanggap ko na kung ano'ng mangyayari, ipinag-pray ko kay Lord kung ano ‘yung will niya, pero ang panalangin ko, mabuhay ka pa rin,” naluluhang kuwento ni Mommy Pinty.
Dinala kaagad si Toni sa clinic ng Daddy Bonoy niya at sumigaw daw ng, “Anak, lumaban ka!”
Sabi pa ng TV host-vlogger, “Kaya alam n'yo, ang mommy ko nu’ng nangyari ‘yun at nagkaanak ako kay Seve, kapag tatawag ako na sasabihin kong may lagnat si Seve, lagi niyang sinasabi, ‘I-check mo ‘yung paa. Kailangan, pantay, dapat mainit ang paa saka ulo.' Laging ‘yun ang sinasabi niya.”
Ngayon ay pareho nang may asawa ang magkapatid at tiyak na kahit nasa edad na sila, hindi pa rin nagkukulang sa paalala at paggabay si Mommy Pinty.




Comments