top of page

Isyung ‘missing boksingero’ kay Mayor Baste patapos na, balik na uli sa ‘missing sabungeros’ ni Atong Ang

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 1, 2025
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 1, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez



‘PINAS MAWAWALAN NG P3B-P6B SA ZERO TARIFF SA MGA US PRODUCT AT PATUNAY NA SABLAY ANG PINASOK NA DEAL NI PBBM KAY US PRES. TRUMP -- Mismong si Finance Sec. Ralph Recto ang nagsabi na mawawalan ng kitang P3 billion hanggang P6 billion yearly ang Pilipinas dahil sa zero tariff sa ilang produktong Amerika na inaprub ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM), kapalit ng pagbawas ni US Pres. Donald Trump ng 1% sa tariff ng mga produktong ‘Pinas sa Tate.


Kumbaga, parang si Sec. Recto na rin ang nagsabi na sablay ang deal na pinasok ni PBBM kay Trump, boom!


XXX


KUNG HINARAP NI VP SARA ANG IMPEACHMENT AT HINDI NAG-DELAYING TACTIC SI SP ESCUDERO, SIGURADONG AANGAT NG PAGKATAAS-TAAS ANG KANILANG RATING SA SURVEY -- Parehong lumagapak ang rating nina Vice Pres. Sara Duterte-Carpio at Senate Pres. Chiz Escudero sa latest survey na isinapubliko ng OCTA Research firm, na mula sa 54% trust rating ng bise presidente ay bumagsak ito sa 50%, at mula naman sa 51% ay bumagsak din sa 49% ang trust rating ng Senate president.


Maaaring may kinalaman iyan sa pag-ayaw ni VP Sara na harapin ang mga kaso niyang impeachment at pag-delay ni SP Escudero sa impeachment proceedings.


Pero kung hindi nagpetisyon si VP Sara sa Supreme Court (SC) na huwag matuloy ang impeachment proceedings sa kanya at sinunod ni SP Escudero ang "forthwith" o agad-agad na pag-aksyon sa impeachment ng vice president, at sa impeachment trial ay napatunayang walang kasalanan ang bise presidente, sigurado hindi lalagapak, at sa halip ay aangat ng pagkataas-taas ang rating nina VP Sara at SP Escudero, period!


XXX


PARA HINDI MAPAHAMAK SI FPRRD, DAPAT MANAWAGAN NA ANG MGA DDS SA THE NETHERLANDS GOV’T. NA ‘I-BRING BACK HOME’ NA SI HARRY ROQUE SA ‘PINAS -- Sinabihan ni Atty. Nicholas Kaufman, lead counsel ni former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) si former presidential spokesman, Atty. Harry Roque na tantanan na nito ang pang-eepal sa kasong kinakaharap sa International Criminal Court (ICC) ng dating pangulo dahil hindi naman siya kasama sa defense team, at ang mga pinaggagawa raw nito sa The Netherlands ay posibleng makaapekto sa ginagawa nilang pagtatanggol sa ex-president.


Dapat yata magkaisa na ang mga Duterte Diehard Supporters (DDS) na manawagan sa gobyerno ng The Netherlands ng, “Bring Back Home” sa ‘Pinas si Roque kasi kung hindi nito lulubayan ang pakikialam sa kaso ni FPRRD ay baka tuluyang mapahamak ang dating presidente sa kasong “crimes against humanity” sa ICC, boom!


XXX


PATAPOS NA ANG ‘MISSING BOKSINGERO,’ BALIK NA ULI SA ‘MISSING SABUNGEROS’ -- Sa pagpapatuloy ng Philippine Coast Guard (PCG) sa paghahanap ng mga labi ng mga missing sabungero ay ibinulgar ni Justice Sec. Boying Remulla na may natagpuan na namang mga buto at mga bungo ng tao sa Taal Lake.


Sa isyung ito, hindi man aminin ay tiyak happy si Davao City acting Mayor Baste Duterte kasi puwedeng mawala na sa social media ang bansag sa kanyang “missing boksingero” nang hindi siya sumipot sa laban nila sa boksing ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre, at sa kabilang banda pihadong kabado naman si Atong Ang dahil after ng mga bagyo at tag-ulan, aktibo na naman ang gobyerno sa paghahanap ng mga labi ng mga missing sabungero, period!


header.all-comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page