top of page

Intervention o Diversion Program ang parusa sa bastos na menor-de-edad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 18, 2021
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 18, 2021



Dear Chief Acosta,


Ako ay naglalakad sa kalsada ng aming barangay nang ako ay pagsabihan ng malalaswang salita tungkol sa aking dibdib ng binatilyo na nakasalubong sa akin.


Kasama rin niya ang mga kabarkada niyang 3rd year high school pa lamang na nagsipagtawanan pa. Ang kanilang pambabastos, kahit pa ako ay nakatatanda ay nakakasakit ng damdamin. May pananagutan ba sila sa batas kapag sila ay aking i-report kahit sila ay menor-de-edad pa lamang? – Talna


Dear Talna,


Mahalaga sa inyong sitwasyon ang kagyat na pag-ulat o pagre-report ng inyong naranasang pambabastos buhat sa mga nasalubong ninyong kapibahay sa inyong barangay.


Dapat ding malaman ninyo na kahit pa menor-de-edad ang mga nambastos sa inyo ay mayroon silang pananagutan at obligasyon sa ating batas. Ayon sa Section 7, Artikulo I ng Republic Act No. 11313 o mas kilala bilang Safe Spaces Act:


“Section 7. Gender-Based Sexual Harassment in Streets and Public Spaces Committed by Minors. - In case the offense is committed by a minor, the Department of Social Welfare and Development (DSWD) shall take necessary disciplinary measures as provided for under Republic Act No. 9344, otherwise known as the "Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.’


(Binigyang-diin)


Samakatwid, hindi alintanang bata pa ang nambastos sa inyo kung mapatutunayang siya ay may sapat nang kaalaman sa tama at maling gawain, maaari siyang sumailalim sa kaukulang intervention o diversion program na ipinaiiral ng ating pamahalaan tungkol sa children in conflict with the law (CICL).


Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page