top of page
SPECIAL - JILLIAN, GUSTONG HANGGANG PAGTANDA, FRIENDS SILA NI EMAN_IG _emanbacosapaquiao &

Inosenteng nakulong, dapat bayaran nang sapat

Writer: BULGAR
BULGAR
21 hours ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | November 28, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Sa isang araw na maling pagkakakulong, hindi lamang kalayaan ang nawawala sa isang inosenteng tao kundi pati ang kanyang kabuhayan, dignidad at pagkakataong maalagaan ang sariling pamilya. 


Kaya hindi dapat ituring na simpleng ayuda o maliit na bayad-pinsala ang kompensasyong ibinibigay ng pamahalaan sa mga taong nagdusa dahil sa maling pagpaparatang, ilegal na detensiyon at mararahas na krimen.


Sa kasalukuyan, P1,000 lamang kada buwan ang kompensasyong nakalaan sa mga biktima ng unjust imprisonment, na may pinakamataas na halagang P60,000. Dahil dito, isinusulong ng Public Attorney’s Office (PAO) na iayon sa umiiral na minimum wage ang bayad-pinsala at ibigay ito batay sa bawat araw ng pagkakakulong, nang walang nakatakdang pinakamataas na limitasyon.


Sa pagtalakay ng House Committee on Justice sa House Bills 2337 at 2421, na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 7309, iginiit na kulang ang panukalang P5,000 o P10,000 kada buwan. Katumbas lamang ito ng P167 o P333.33 kada araw, na mas mababa sa P755 arawang minimum wage sa National Capital Region. Maging ang Commission on Human Rights at isang kinatawan ng sektor ng kababaihan ay sumang-ayon na kailangang mas sapat ang kompensasyon upang matugunan ang pangangailangan ng biktima at kanyang pamilya.


Mahalagang tandaan na ang maling pagkakakulong ay hindi lamang pagkawala ng kita. Maaari ring mawalan ng trabaho ang isang tao, mabaon sa utang at mawalan ng kakayahang suportahan ang kanyang mga anak. Hindi rin kayang tumbasan ng pera ang panahong nawala sa kanya at ang trauma ng pagkakakulong sa kasalanang hindi naman niya ginawa.


Gayunman, kinikilala rin ang limitasyon ng pondo ng pamahalaan. Sa ilalim ng batas, inilalaan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang isang porsiyento ng kita nito sa Victims Compensation Program. Pumayag ito sa pagtaas ng kompensasyon, ngunit tutol sa pagpapalaki ng kontribusyon dahil sa iba pa nitong obligasyon.


Inaprubahan ng komite ang mga panukalang amyenda sa RA 7309. Kabilang dito ang probisyong nagbibigay-kapangyarihan sa Board of Claims na lumampas sa itinakdang maximum compensation sa mga pambihirang kaso, batay sa tindi ng pinsala, tagal ng pagkakakulong, aktuwal na pagkalugi at iba pang mahahalagang pangyayari.


Kailangang nakasulat din ang factual at legal na batayan ng naturang desisyon.

Dapat tiyakin na hindi mauuwi sa papel lamang ang pagbabagong ito. Kailangang maging mabilis, patas at malinaw ang proseso ng pagbabayad upang hindi na muling pahirapan ang mga taong biktima na nga ng kawalan ng katarungan.


Ang tunay na hustisya ay hindi lamang ang pagpapalaya sa inosenteng nakulong. Kasama rito ang pagkilala sa kanyang dinanas at pagbibigay ng makatarungang kabayaran. Hindi man maibabalik ng pera ang mga araw na nawala, tungkulin ng pamahalaan na gawin ang lahat upang maibsan ang pinsalang idinulot ng pagkakamali ng sistema.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page