Inlfation rate tumaas, PBBM, fake news sa hindi tataas ang mga presyo ng bilihin kahit may oil crisis
- BULGAR

- 54 minutes ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 8, 2026

ES RECTO AT CONG. GARDIOLA, IBINULGAR NI CONG. LEVISTE NA 'BFF', ‘YAN KAYA ANG DAHILAN KAYA WALA PANG IKINAKASO DITO ANG OMBUDSMAN? – Dahil sa ibinulgar ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na umano’y magkasosyo sa operasyon ng STL at bookies sa Batangas sina Executive Sec. Ralph Recto at CWS Party-list Rep. Edwin Gardiola, lumalabas ngayon ang isyu ng umano’y malapit na ugnayan o “BFF” ng dalawang opisyal.
Si Rep. Gardiola ay isa sa mga kongresistang binansagan noon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na “cong-tractor” dahil umano sa pagkakasangkot sa flood control scandal. Ayon sa ICI, inirekomenda nitong sampahan siya ng kasong kriminal sa Office of the Ombudsman.
Gayunman, mula nang ilabas ang rekomendasyon noong Nobyembre 2025, wala pa ring ulat hanggang Mayo 2026 na naisampa na ang kaso laban sa kanya.
Kaugnay nito, nagtatanong ang ilan kung may kinalaman ba ang umano’y pagiging malapit nina Executive Sec. Recto at Rep. Gardiola sa hindi pa pagsasampa ng kaso ng Ombudsman laban sa tinaguriang “cong-tractor.” Period!
XXX
HANGGANG NGAYON, PINUPUTAKTE PA RIN NG BATIKOS SI SEN. PADILLA KASI WALA NAMAN SA KONSTITUSYON ANG SINABI NIYANG TRABAHO RAW NG SENATE MINORITY NA MAG-OPPOSE NANG MAG-OPPOSE – Patuloy na binabatikos sa social media si Sen. Robin Padilla dahil sa kanyang pahayag na o-oppose umano ng Senate minority ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte kapag ito ay naakyat na sa Senado. Ayon sa senador, tungkulin daw ng minorya ang “mag-oppose nang mag-oppose.”
Subalit giit ng mga kritiko, walang nakasaad sa Konstitusyon na ang mandato ng Senate minority ay basta na lamang tumutol sa lahat ng panukala o proseso. Kaya para sa marami, mali ang naging paglalarawan ng senador sa papel ng minorya sa Senado. Boom!
XXX
KAPAG PAREHONG NAPATUNAYANG GUILTY, PAREHONG KULONG SA BILIBID SINA FRANCO MABANTA AT CONG. MARTIN ROMUALDEZ – Walang ipinagkaiba, ayon sa ilang obserbasyon, si vlogger/political operator Franco Mabanta sa isyung ibinabato laban sa kanya at kay Leyte 1st District Rep. at dating Speaker Martin Romualdez.
Naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) si Mabanta kaugnay ng umano’y pangingikil, bagay na kanyang pinabulaanan at iginiit na hindi siya sangkot sa extortion.
Samantala, si Romualdez naman ay iniuugnay sa mga alegasyon kaugnay ng flood control projects scam, na kanya ring mariing itinatanggi, kabilang ang paratang na siya ang “utak” umano sa naturang isyu. Dahil dito, kapwa sila nakikitang dumadaan sa gitna ng mga akusasyon at mariing pagtanggi.
Sa huli, nakasalalay pa rin sa magiging resulta ng mga imbestigasyon at proseso ng korte kung may sapat na ebidensya laban sa kanila. Kung mapapatunayang may pananagutan, maaari itong humantong sa kaukulang kaso at parusa ayon sa batas. Abangan!
XXX
MULA 4.1% NOONG MARSO, PUMALO NA SA 7.2% ANG INFLATION RATE AT PATUNAY ‘YAN NA FAKE NEWS SINABI NI PBBM NA HINDI RAW MAGTATAAS PRESYO NG BILIHIN AT BAYARIN KAHIT MAY OIL CRISIS – Inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na noong Abril 2026 ay umabot sa 7.2% ang inflation rate sa bansa, na nagpapahiwatig ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin na nararanasan ng mga Pilipino.
Ayon sa datos, makikita ang malaking pagtaas kumpara sa naitalang 4.1% noong Marso 2026. Dahil dito, kapansin-pansin ang mas mabilis na paggalaw ng presyo sa loob lamang ng halos isang buwan.
Ang ganitong sitwasyon ay tila salungat sa naunang pahayag ng Pangulo noong Marso 18, 2026, kung saan sinabi niyang hindi raw tataas ang presyo ng mga bilihin at bayarin sa kabila ng krisis sa langis. Gayunman, ipinapakita ng pinakahuling datos ng PSA na nagkaroon ng pagtaas sa inflation sa sumunod na buwan. Boom!




Comments