Impeachment trial ni VP Sara, malamang stop dahil sa isyu kay Presiding Officer Chiz
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 13, 2026

MALAMANG STOP NA NAMAN ANG IMPEACHMENT KAY VP SARA KAPAG NAGDESISYON ANG SC NA UNCONSTITUTIONAL MAGING PRESIDING JUDGE SI SEN. ESCUDERO – Kinuwestiyon ng mga abogadong kaalyado ni Vice President Sara Duterte sa Supreme Court (SC) ang naging papel ni Sen. Chiz Escudero bilang presiding officer ng impeachment trial. Anila, malinaw umanong nakasaad sa Konstitusyon na ang Senate president, sa katauhan ni Sen. Sherwin Gatchalian, ang dapat umaktong presiding officer ng impeachment court.
Naku, kapag idineklara ng SC na labag sa Konstitusyon ang naging papel ni Sen. Escudero, malamang na ipatigil na naman ang impeachment trial ni VP Sara. Kapag nangyari iyan, masasayang lang ang pera ng bayan at ang panahong ginugol ng Senado sa paglilitis. Period!
XXX
GOV'T. OFFICIAL SI USEC. CLAIRE KAHIT SA LOOB AT LABAS NG BANSA, NATURAL LANG MAKATIKIM NG BATIKOS SA MGA PINOY – Mali ang naging aksyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na imbestigahan at, kung kinakailangan umano, kasuhan at ipa-deport ang mga Pinoy sa Canada na bumatikos kay Presidential Communications Office (PCO) spokesperson Usec. Claire Castro.
Si Usec. Claire ay opisyal ng pamahalaan, kaya natural lamang na makatanggap siya ng batikos, nasa loob man o labas ng bansa, kung hindi nagugustuhan ng mga Pinoy ang kanyang panunungkulan. Tsk!
XXX
PANGALAN NG MGA KORUP SA CUSTOMS, DAPAT IBIGAY NI COMM. NEPOMUCENO KAY OMBUDSMAN REMULLA – Sinabi ni Ombudsman Boying Remulla na hiningi niya kay Commissioner Ariel Nepomuceno ang mga pangalan ng mga pinaghihinalaang tiwaling opisyal sa Bureau of Customs (BoC), pero hanggang ngayon ay wala pa rin umano siyang natatanggap na tugon.
Dapat ay agad nang ibigay ni Comm. Nepomuceno ang mga pangalang ito kay Ombudsman Remulla upang maimbestigahan at, kung mapatutunayang nagkasala, mapanagot sa batas. Period!
XXX
KAILAN KAYA GAGAYAHIN NI BATANGAS GOV. VILMA SANTOS-RECTO SI MAYOR CARLITO ZAPLAN NA NAGPA-STOP NG STL SA STA. BARBARA, PANGASINAN? – Hinangaan ng Catholic Church si Mayor Carlito Zaplan ng Sta. Barbara, Pangasinan matapos nitong walang takot na ipatigil ang operasyon ng STL sa kanyang munisipalidad.
Sa totoo lang, may kapangyarihan ang bawat LGU na ipatigil ang operasyon ng STL sa kanilang nasasakupan.
Kailan kaya gagayahin ni Batangas Gov. Vilma Santos-Recto si Mayor Zaplan at ipatitigil din ang STL, lalo na matapos ibulgar ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ang umano'y raket ng STL bookies, na ayon sa kanya ay kinasasangkutan nina Executive Secretary Ralph Recto at CWS Party-list Rep. Edwin Gardiola? Abangan!





Comments