Impeachment ni VP Sara ‘di mapapatigil ng SC, dahil Kamara raw ang may “Hawak ng Beat”
- BULGAR

- Apr 15
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 15, 2026

SABLAY ANG NAGPAYO KAY VP SARA NA SABIHING HINDI NIYA KILALA SI RAMIL MADRIAGA KASI MAY MGA VIDEO AT LITRATO RAW NA PERSONAL SILANG MAGKAKILALA – Kung sinuman ang adviser ni Vice President Sara Duterte na nagpayo sa kanya na sabihing hindi niya personal na kilala ang detenidong suspected kidnapper na si Ramil Madriaga, mukhang hindi naging epektibo ang payong iyon.
Sa pagdinig ng House Justice Committee kaugnay ng impeachment case laban kay VP Sara, ipinakita sa publiko ang mga video at litrato na nagpapakitang magkakilala sila ni Madriaga. Tsk!
XXX
PARANG SINABI NI CONG. JINKY LUISTRO NA KAHIT IPA-STOP NG SC ANG IMPEACHMENT KAY VP SARA, HINDI NA NILA ITO SUSUNDIN KASI KAMARA RAW MAY 'HAWAK NG BEAT' SA IMPEACHMENT BASE SA KONSTITUSYON – Sa pag-umpisa ng impeachment hearing, sinabi ni House Justice Committee Chairperson Jinky Luistro na sa kabila ng panibagong petisyon sa Korte Suprema (SC) ng kampo ni VP Sara na kumukuwestyon sa impeachment proceedings, iginiit niya na ang Kamara ang may “hawak ng proseso” sa impeachment batay sa Konstitusyon.
Binanggit din niya na ang Saligang Batas ang pinakamataas na batas ng bansa.
Para sa ilang obserbador, ang pahayag na ito ay maaaring magpahiwatig na itutuloy ng Kamara ang impeachment proceedings sakaling maglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO), kabilang ang posibleng paghahain ng Articles of Impeachment sa Senado na magsisilbing impeachment court. Period!
XXX
HINDI JOKE ANG 8 KASO NG CYBERLIBEL NI CONG. BARZAGA KASI 48 YEARS SIYANG MAKUKULONG KAPAG NAPATUNAYANG GUILTY – Matapos magpalabas ng warrant of arrest, agad nagpiyansa si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga ng ₱384,000 para sa walong kasong cyberlibel na isinampa laban sa kanya nina billionaire Enrique Razon, Antipolo City 1st District Rep. Ronnie Puno, at Manila 2nd District Rep. Rolan Valeriano.
Sa ilalim ng batas, ang cyberlibel ay may mabigat na parusa, at kung mapapatunayang guilty sa lahat ng kaso, maaaring humarap si Barzaga sa mahabang sentensiya depende sa magiging hatol ng korte sa bawat bilang ng kaso. Boom!
XXX
ANG GUSTO NG TRANSPORT WORKERS AT MOTORISTAAY ISUSPINDE EXCISE TAX SA DIESEL AT GASOLINA, HINDI ANG SA LPG AT KEROSENE – Imbes na papuri, batikos ang inabot ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) matapos niyang isuspinde ang excise tax sa LPG at kerosene.
Ayon sa mga transport worker at motorista, ang inaasahan nilang maipapahinga ay ang excise tax sa diesel at gasolina, hindi sa LPG at kerosene. Kaya’t marami ang nadismaya sa naging desisyon ng administrasyon. Period!





Comments