top of page

Illegal recruitment at trafficking, patuloy na banta sa kabataan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | February 2, 2026



Boses by Ryan Sison


Palala nang palala ang illegal recruitment at human trafficking sa bansa, lalo na sa bagong insidente ng 17-anyos na dalagita sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.


Sa kabila ng paulit-ulit na babala ng pamahalaan, patuloy na binibiktima ang mga kabataang Pilipino, lalo na ang mahihirap, ng mga sindikatong handang pekein ang edad at dokumento kapalit ng kita.


Ayon sa Bureau of Immigration (BI), na-intercept ang menor-de-edad mula Maguindanao del Sur noong Enero 24 habang paalis patungong Saudi Arabia sakay ng Philippine Airlines. Sa unang tingin, maayos ang kanyang mga papeles, ngunit sa masusing inspeksiyon, lumabas na ang pasaporte at ibang dokumento ay nagsasabing siya ay 25 taong gulang, samantalang ang birth certificate ay malinaw na nagpapakita na siya ay 17 pa lamang. Ibig sabihin, hindi siya maaaring magtrabaho sa ibang bansa, lalo na bilang household service worker.


Dito makikita ang bangis ng illegal recruitment. Hindi lamang ito simpleng paglabag sa batas; isa itong tahasang pagnanakaw ng kabataan at kinabukasan. Isang recruitment agency sa Pasay City ang umano’y nag-recruit sa kanya, patunay na hindi lamang sa malalayong probinsya nagaganap ang ganitong modus, kundi pati sa sentro ng bansa.


Agad na kumilos ang mga otoridad. Nakipag-ugnayan ang BI sa Inter-Agency Council Against Trafficking, na siyang kumuha ng kustodiya sa menor-de-edad upang mabigyan ng proteksyon at tulong, at upang buuin ang kasong kriminal laban sa mga nasa likod ng tangkang paglabag. Ayon sa BI Commissioner, malinaw na hindi uurungan ng gobyerno ang sinumang nagsasamantala sa kahinaan ng mga Pilipino.


Ngunit higit sa operasyon, ang insidenteng ito ay salamin ng mas malalim na problema. Hangga’t limitado ang oportunidad sa maraming komunidad, mananatiling bukas ang pinto para sa panlilinlang. Ang kwento ng batang nasagip ay kwento ng maraming Pilipino na umaasang makaalpas sa hirap, ngunit muntik nang mapahamak dahil sa kasakiman ng iilan.


Ang pagsagip na ito ay paalala na ang laban kontra-trafficking ay hindi lamang tungkulin ng gobyerno. Responsibilidad ito ng buong mamamayan. Ang pagbabantay, edukasyon, at malasakit ang tunay na sandata laban sa mga mapanlinlang. Kapag kumilos tayo nang maagap, may mga kabataang maitataguyod at masasagip mula sa panganib.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page