Ilapit ang serbisyong medikal sa mga mahihirap nating kababayan
- BULGAR

- 18 hours ago
- 4 min read
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 16, 2026

Noong May 11, sa public hearing ng Senate Committee on Health, muli nating tinalakay ang kalagayan ng mga health facilities sa bansa, kabilang ang mga Super Health Centers, public hospitals, at iba pang pasilidad na pinopondohan sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ng Department of Health (DOH).
Bilang health reforms crusader, matagal ko nang ipinaglalaban na mailapit ang serbisyong medikal sa ating mga kababayan, lalong-lalo na sa mga nasa malalayong lugar. Para sa akin, ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino.
Sa pag-iikot ko sa buong Pilipinas, nakita ko mismo ang hirap ng maraming kababayan natin. May mga lugar na kailangan pang tumawid ng ilog, bundok, o dagat para makarating sa health center o ospital. May mga buntis na halos manganak na sa bangka o tricycle dahil malayo ang pinakamalapit na pasilidad. Ganyan ang hamon sa bansang binubuo ng mahigit 7,000 na isla.
Kaya sinuportahan natin ang HFEP. Layunin nito na mapaganda at mapalakas ang mga pasilidad pangkalusugan sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Suportado rin natin ang pagtatayo ng Super Health Centers. Mahalaga ang mga ito dahil mas nailalapit nila ang primary health care sa mga tao. Kapag malakas ang health center system, mas mababawasan ang bigat na dinadala ng mga ospital. Hindi lahat ng sakit kailangang dalhin agad sa ospital kung may sapat at maayos na pasilidad sa komunidad.
Pero sapat ba na maitayo lang ang gusali? Para sa akin, hindi. Kailangan itong matapos, lagyan ng kagamitan at personnel, at gawing tunay na operational. Sayang ang pondo kung may gusali pero hindi naman nagagamit ng tao.
Noong ako ang Chairman ng Senate Committee on Health, paulit-ulit kong ipinapaalala sa DOH na siguraduhing natatapos at napapakinabangan ang mga proyekto. Huwag nilang hayaang maging “white elephant” ang proyekto na nakatayo nga ngunit wala namang serbisyong naibibigay sa mga nangangailangan.
Nakababahala na may mga ulat tungkol sa naantalang pagpapatupad, kulang na kagamitan, hindi kumpletong imprastraktura, at maging kawalan ng linya ng kuryente at tubig! Kapag may perang inilaan para sa serbisyong pangkalusugan, dapat ramdam ito ng mga Pilipino, lalung lalo na ng mahihirap at nasa malalayong lugar.
Dapat na magtulungan at complement ang DOH at local government units (LGUs) para masigurong fully operational ang mga health facilities. Maraming LGUs, lalo na ang mga fourth to sixth class municipalities, ang walang sapat na pondo para magpatayo at magpatakbo ng malalaking pasilidad. Kaya mahalaga ang tulong ng national government sa pamamagitan ng mga programang gaya ng HFEP. Pero kailangang siguraduhin na ang tulong na ito ay mauuwi sa serbisyong tunay na mararamdaman sa komunidad.
May magagandang halimbawa naman. Sa Tingloy, Batangas, isang island municipality, malaking bagay ang pagkakaroon ng maayos na pasilidad at hindi na kailangan pang mag-bangka papunta sa mas malaking ospital. Ganoon din sa Lake Sebu sa South Cotabato, may Super Health Center sa mataas na lugar para ‘di mahirapan ang mga residente sa pagbiyahe. Sa Iloilo naman, may mga LGU na nagdagdag pa ng sariling pondo para mas mapaganda ang kanilang Super Health Centers.
Dapat ding bigyan ng prayoridad ang mga local hospitals, lalo na ang mga proyektong multi-year ang construction. Sa nakaraang mga taon, nakapagpasa tayo ng 93 batas para sa pagtatayo at pag-upgrade ng mga public hospitals sa iba't ibang bahagi ng bansa. Ang layunin ng mga batas na ito ay matulungan ang mga ospital na magkaroon ng tuluy-tuloy na suporta, kabilang ang mula sa HFEP.
Bilang senador, naghain ako ng Senate Resolution No. 384 upang malaman ang kalagayan ng ating healthcare facilities sa buong bansa. Gusto nating malaman ang implementation gaps at siguraduhin na ang pondong inilaan para sa health infrastructure ay nagiging accessible, functional, at quality healthcare services para sa bawat Pilipino.
Samantala, noong May 6, personal nating pinalawig ang tulong para sa mga biktima ng sunog sa Tondo, Manila. Nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng karagdagang tulong mula sa pambansang pamahalaan para makabili ng mga construction materials na magagamit sa pagpapatayo muli ng kanilang mga tahanan.
Noong May 7, namahagi rin tayo ng tulong sa mga nasunugan sa Cainta, Rizal kung saan nakasama natin sina Congresswoman Mia Ynares, Mayor Kit Nieto, Vice Mayor Ace Servillon at mga konsehal. Matapos doon ay dumiretso rin ako sa Brgy. Sucat, Muntinlupa City upang maghatid rin ng tulong sa mga nasunugan. Masaya rin ako dahil nakamusta ko ang mga staff sa kanilang Health Center.
Noong May 8, personal nating binigyang-pugay ang Public Safety Officers Senior Executive Course (PSOSEC) Class 2025-03 “Sararo” sa kanilang graduation ceremony sa paanyaya nina Jail Superintendent Castle H. Masip, President ng PSOSEC Class 2025-03 “Sararo.” Nagpapasalamat din tayo kay Police Lieutenant Colonel Jerwin Embolode, Campus Director ng National Police College Davao sa kanyang suporta upang maging matagumpay ang nasabing okasyon.
Noong May 12, personal rin tayong bumisita at namahagi ng tulong sa mga 126 pamilyang biktima ng sunog sa Brgy. 66, 148, at 185 sa Pasay City.
Nakiisa rin ang ating Malasakit Team sa opening ng National Private Schools Athletic Association (PRISAA) Games Negros 2026 noong May 9. Patuloy kong susuportahan ang mga programang magpapalawak sa sports at youth development.
Noong nakaraang linggo, nagpaabot din ng tulong sa mga kababayan natin, kabilang ang mga biktima ng sunog sa Iloilo City; Pasig City; Tondo, Manila; Bacoor City, Cavite; at Bacolod City. Tinulungan din ng ating team ang mga scholar mula sa Teresa, Rizal at Bacoor City, Cavite.
Bilang Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa sambayanang Pilipino dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments