Ika-5 SONA, sana makatotohanan ‘di pambobola
- BULGAR
- 2 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 24, 2026

SANA MAKATOTOHANAN AT HINDI PAMBOBOLA LANG SA PUBLIKO ANG IKA-5 SONA NI PBBM – Sa Lunes, Hulyo 27, gaganapin ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM).
Sana ay makatotohanan ang mga ilalahad ni PBBM at hindi lamang pambobola o boladas sa publiko. Period!
XXX
SABLAY NA NAMAN ANG MARCOS ADMIN, KASI SABI NILA HINDI TATAAS ANG PRESYO NG BILIHIN, PERO TATAAS PALA – Sablay na naman ang pahayag ng Marcos administration na hindi raw tataas ang presyo ng mga bilihin sa kabila ng panibagong oil crisis na dulot ng tensyon at digmaan sa Middle East sa pagitan ng US at Iran.
Masasabing sablay ito dahil mismong si businessman Steve Cua, presidente ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association (PAGASA), ang nagsabing mapipilitan silang magtaas ng presyo ng mga bilihin bunsod ng panibagong pagtaas ng presyo ng langis sa international market. Tsk!
XXX
SEN. PADILLA NA-BASH NA NAMAN KASI ATAKE NIYA SA HOUSE AND PRIVATE PROSECUTORS, SABLAY – Na-bash na naman sa social media si Sen. Robin Padilla matapos niyang sabihin na umano'y one-sided ang House prosecutors at private prosecutors sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa totoo lang, natural lang na one-sided ang prosecution panel dahil tungkulin nitong usigin ang inirereklamo. Gayundin, ang defense team ay nasa panig ng bise presidente at ang trabaho nito ay ipagtanggol siya. Samantala, ang mga senator-judges ang may tungkuling timbangin ang ebidensya at magpasya kung guilty o not guilty si VP Sara sa mga Articles of Impeachment.
Marahil, matapos ang naging batikos sa kanya, mas malinaw na ngayon kay Sen. Padilla ang papel ng House prosecutors at private prosecutors sa impeachment trial. Boom!
XXX
ILANG ULIT NANG SINABI NI MAYOR LENI NA HINDI SIYA KAKANDIDATO SA PAGKA-PRESIDENTE, PERO MGA DDS, GINAGAWAN PA RIN SIYA NG FAKE NEWS – May mga DDS na naman umanong nagpapakalat ng fake news na laging wala sa kanyang opisina sa Naga City Hall si Mayor at dating Vice President Leni Robredo dahil linggu-linggo raw itong nasa Maynila.
Ilang beses nang sinabi ni Robredo na wala siyang planong tumakbo sa pagka-presidente. Kaya kung hindi titigilan ng mga DDS ang pagpapakalat ng fake news at pambabatikos sa kanya, baka mapilitan pa itong tumakbo. Kapag nangyari iyon, sila rin ang posibleng nagbigay ng sakit ng ulo kay Vice President Sara Duterte dahil sa halip na walang malakas na katunggali sa pagkapangulo, ay magkakaroon pa ng isa sa katauhan ni Robredo. Period!

