top of page

ICI, naglaban-bawi kay Rep. Romualdez

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 14 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 27, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


NAGLABAN-BAWI ANG ICI KAY REP. ROMUALDEZ -- Noong Nov. 21, 2025 ay palaban na nagsumite ng mga dokumento ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Office of the Ombudsman na nagrerekomenda na isama na sa sasampahan ng kasong plunder at bribery ang pinsan ni President Bongbong Marcos (PBBM) na si Leyte Rep. Martin Romualdez, pero kamakalawa, Nov. 25, 2025 ay inanunsyo ni Atty. Ade Fajardo, abogado ng dating speaker, na nang makakuha sila ng kopya ng ICI documents at tingnan nila ang nilalaman nito ay wala naman daw nakasaad dito o wala rin umanong nakalakip dito na idinidiin ng ICI si Romualdez sa flood control projects scam.

Iyan ang ICI na itinatag ni PBBM, laban-bawi kay Romualdez, palaban sa statement pero sa dokumento mistulang binawi ang alegasyon sa pinsan ng Presidente, pwe!


XXX


HARRY ROQUE WALA NANG KAWALA, ANUMANG ORAS MADI-DEPORT O HUHULIHIN NA NG INTERPOL DAHIL KANSELADO NA ANG PASAPORTE NIYA -- Hindi naman pala (hindi pa) inaresto si former presidential spokesman Harry Roque kundi pinigilan lang siya ng mga Dutch authorities na makaalis ng bansang The Netherlands patungong Vienna, Austria, na ang palusot dito ni Roque ay may sakit daw kasi siya kaya hindi pinayagang makasakay ng eroplano, pero may mga balita na kaya hindi siya pinayagang makaalis sa The Hague (The Netherlands) ay dahil kanselado na ang kanyang pasaporte.


Kung totoo na kaya hindi pinayagan si Roque na makalabas ng The Netherlands ay dahil kanselado na ang kanyang pasaporte, ibig sabihin niyan ay wala na siyang kawala

sa batas, na anumang araw ay made-deport o huhulihin na siya ng Interpol para ibalik siya sa Pilipinas at makulong sa city jail sa kinasasangkutan niyang kasong no bail na qualified trafficking in person sa Pilipinas kaugnay sa pagkakasangkot umano niya sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Porac, Pampanga, period!


XXX


KUWESTIYONABLE ANG PAGIGING ANTI-CORRUPT NI CONG. KIKO BARZAGA, HINDI NIYA BINABATIKOS ANG MGA KAALYADO NIYANG SINA SEN. ESCUDERO, SEN. ESTRADA AT SEN. VILLANUEVA NA NASASANGKOT SA FLOOD CONTROL SCAM -- Ang mga atake ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga patungkol sa mga anomalyang kinasasangkutan ng Marcos administration ay hindi puwedeng sabihing isa siyang lawmaker na anti-corrupt.


Simula kasi ng pumutok ang isyung flood control scam at unang lumabas ang mga pangalan nina Sen. Chiz Escudero, Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva na sangkot sa anomalyang ito ay porke kaalyado niya ang mga ito, ni-minsan ay hindi niya nagawang batikusin ang tatlong senador na ito, boom!


XXX


‘SAVE THE PHILIPPINES COALITION’ VS. MARCOS WALANG PATOL KASI MGA PASIMUNO NITO MGA TALUNANG KANDIDATO -- May itinatag na "Save the Philippines Coalition", ang ilang personalidad na ang layunin ay pabagsakin ang Marcos administration, pero nang magsipagsalita na ang mga convenor ng grupong ito, wala silang arrived sa publiko.


Ang nais nating ipunto rito, walang patol sa publiko, na never makakuha ng suporta sa taumbayan ang grupong ito kasi ang karamihan sa mga pasimuno nitong "Save the Philippines Coalition" ay mga talunang kandidato sa nakalipas na eleksyon, period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page