Huwooow! MMFF MOVIE NI PIOLO, WARNER BROS. ANG MAGDI-DISTRIBUTE
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | November 22, 2023

Marami ang nagulat sa anunsiyo ng Mentorque Productions producer na si John Bryan Diamante ng pelikulang Mallari ni Piolo Pascual na entry sa Metro Manila Film Festival 2023 dahil ang Warner Bros. Pictures ang magdi-distribute ng pelikula.
Ito ang unang local film na idi-distribute ng Warner Bros. kaya sobrang saya rin ng buong cast sa magandang balitang ito sa kanila.
Ang Warner Bros. Pictures ang nagdala sa bansa ng mga pelikulang Game of Thrones, Matrix, Barbie, Harry Potter, Oceans 8 series at marami pang iba.
Ang latest project nito ay ang Wonka na ipapalabas sa Disyembre 6, Aquaman and The Lost Kingdom sa December 20 at ang MMFF 2023 entry na Mallari sa December 25.
Hindi pa nahihingan ng reaksiyon si Piolo tungkol dito dahil nasa Amerika pa siya para sa series of concerts. Kaya malamang sa media launch at kick-off pa makakausap ang aktor sa December 1.
Anyway, ngayon pa lang ay trending na ang Mallari sa social media at marami na ang nag-aabang nito dahil base sa poster ay tatlong karakter ang gagampanan ni Papa P..
At sino kaya ‘yung buhat-buhat nitong nakatakip ng pulang tela?

Dekada na bilang radio host ang kilalang si Laila Chikadora, pero bago niya ito narating ay inamin niyang marami siyang dinanas na hirap at panlalait mula sa mga istasyong in-apply-an.
Hindi na niya mabilang kung ilang beses siyang umiyak at nanalangin para matanggap dahil pangarap niya talagang maging DJ kahit ayaw ng magulang niya ang kurso niyang MassComm, kaya isang semester lang siya rito.
“Sabi ng nanay ko, ‘Anak, ikaw na ang bunso namin.’ Pinagbigyan ko siya, nag-BS Biology ako.
Nu’ng natapos na ‘ko, sabi ko, ‘My, hindi ko talaga kaya. Imadyinin mo, doktor ako, tapos ganito ako kadaldal. So, ilan ang pasyente ko, isa o dalawa sa isang araw, hindi tayo mabubuhay.’ So, hinanap ko ‘yung passion ko at sa radyo nga,” balik-alaala ni Laila.
Ang dahilan ng pambu-bully sa kanya ay babae siya at ang radio host ay para sa lalaki lang daw.
Pero hindi tumigil si Laila na abutin ang pangarap niya at nagsimula siya bilang traffic news reporter sa DZBB.
Nagsimula siya sa Love Radio as newscaster hanggang sa naging DJ at lumipat sa DWRR ng ABS-CBN as Laila Chikadora hanggang sa lumipat na ng Radyo 5 92.3 FM na naging TRUE FM na ngayon at #1 sa News and Public Service and Entertainment Radio Station in Mega Manila.
Thirteen years na si Laila sa Radyo 5 at tatlo na lang daw silang pioneer na nandu’n, sina Sen. Raffy Tulfo at Nanay Cristy Fermin for Cristy Ferminute.
Pinasalamatan ni Laila ang dati niyang boss sa DZMM na si Ginoong Peter Musngi dahil pinayagan siyang dalhin ang pangalang Laila Chikadora sa Radyo5 kahit pa una siyang nakilala sa DZMM.
“Thankful, Sir Peter, shoutout sa ‘yo. Si Sir Peter Musngi was the Vice-President for radio of ABS-CBN at that time. Nu’ng nag-resign ako, in-interview niya ako bakit ako aalis (hindi kasi regular si Laila sa DZMM).
“Kaya sabi niya, ‘Sige, kung regular ka ru’n sa TV5 (nag-apply sa news), wala kaming laban, sige na, go!’”
Mas una siyang nakilala bilang si Lala Banderas.
“Ako ‘yung baboy na balahura sa Love Radio. Hindi ko nadala si Lala Banderas sa ABS-CBN kasi naka-copyright daw.
“So pagdating ko ng DWRR, I have to start again kaya naging Laila Chikadora at ‘wag ko raw babanggitin na ako si Lala. But ang dami kong bashers at sabi nga nila, baboy ako, hindi ako bagay sa radio station na ‘yan,” balik-tanaw ni Laila.
Kaya pagdating niya sa ABS-CBN ay binago niya ang imahe sa loob ng 6 years at nagtagumpay naman siya sa pagkakakilala na bilang Laila Chikadora na nadala nga niya sa Radyo5 TRUE FM.
Shout Out ang bagong titulo ng programa ni Laila Chikadora sa Radyo 5 92.3 TRUE FM (Dito ang Totoo) na napapanood through One PH YouTube channel at napapakinggan sa radyo sa ganap na 8-9:30 PM.
Samantala, may handog na ‘12 Gifts of TRUE Christmas’ ang newly-awarded Best Radio Station ng bansa, ang Radyo5 TRUE FM, bilang maagang pamasko para sa mga listeners.
Sisimulan ito sa launch ng mga bagong programang layunin ang maging safe space ng mga listeners para sa mga heartfelt conversations at mga payo mula sa mga pinagkakatiwalaang radio hosts.





Comments