top of page
Search
BULGAR

Huwag pahirapan ang mga mahihirap, tulong ng gobyerno agad ibigay

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 18, 2024


Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Mandato ng gobyerno na tulungan ang bawat Pilipinong nangangailangan. Wala dapat pinipili, walang pinapaboran, at walang pamumulitika. Ito ang batayan para matiyak na ang mga mahihirap ay nabibigyan ng sapat na atensyon at agarang tulong para sa iba’t ibang krisis na kanilang pinagdadaanan.


Kaya mula noon hanggang ngayon, suportado ng inyong Senator Kuya Bong Go ang mga programa ng Department of Social Welfare and Development. Malaki ang papel ng DSWD para iangat ang antas ng kabuhayan ng mga Pilipinong nangangailangan. Basta’t nakakatulong ang isang programa sa ating mga kababayan lalo na sa mahihirap, makakaasa kayong katuwang tayo sa pagsusulong nito.


Bilang vice chairperson ng Senate Committee on Finance, titiyakin nating sapat at para sa tama ang panukalang 2025 budget ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Sa ginanap na deliberasyon nitong Lunes para sa pondo ng DSWD, mariin ang paalala natin na siguraduhing mapakikinabangan ng mga kuwalipikadong benepisyaryo ang mga programang para sa kanila lalo na sa mga walang ibang matakbuhan maliban sa gobyerno. 


Panawagan natin sa DSWD, dumaraan na nga sa krisis ang nais na maging benepisyaryo kaya huwag na sana silang pahirapan at paghintayin pa bago mabigyan ng ayuda. Sa kabila rin ng mga reklamong idinudulog sa atin, nagpaalala tayo sa DSWD na siguraduhing may ayudang nakahanda sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad sa lalong madaling panahon. 


Itinanong din natin sa DSWD ang pagkaantala sa implementasyon ng kanilang mga programang pangkabuhayan. Isa ito sa mga programa na isinulong natin at ipinaglaban para mabigyan ng mas disenteng kabuhayan ang mga pamilya at indibidwal na maliit ang kinikita. Dapat maimplementa ito nang walang delay at halong pulitika.  


Iginiit din natin sa DSWD na gawing prayoridad ang pondo para sa social pension ng mga kuwalipikadong mahihirap na senior citizens. Naisabatas ang dagdag na social pension na ito ayon sa Republic Act No. 11916 na isa ako sa mga co-authors at co-sponsors sa Senado. Marami pa ring nasa waitlist na kailangang pagtuunan ng pansin para malaman natin kung ilan ang kuwalipikado at magkano ang kailangan para mapondohan ang social pension nila ayon sa batas.

  

Inalam din natin sa DSWD ang status ng pagtatalaga ng personnel sa bawat Malasakit Center. Parte ang DSWD sa mga ahensyang dapat nasa Malasakit Centers para hindi na kailangang bumiyahe at pumila pa sa iba’t ibang opisina ang mga nangangailangan ng tulong pampagamot. Sa datos ng DOH ay nasa 12 milyong Pilipino na ang natulungan ng programang ito na ating naisabatas bilang principal sponsor at author nito. 


Tugma sa adbokasiya ko bilang inyong Mr. Malasakit ang tema ng DSWD na “Bawat Buhay Mahalaga.” Ang trabaho natin sa gobyerno ay tulungang gumaan ang buhay ng mga Pilipino, kaya huwag dapat silang pahirapan bago makatanggap ng tulong. Unahin natin ang kapakanan ng mga mahihirap sa ating pagseserbisyo! 


Kamakailan ay naging guest speaker tayo sa ginanap na Higpit nga Pagkaurusa ng Calbayognons Association Inc. noong September 14 sa paanyaya ni association President Paz Tuazon, kasama sina Cong. Stephen James Tan, Calbayog City Mayor Raymund Uy, at VM Rex Daguman. 


Personal naman nating pinangunahan kahapon, September 17, ang pamamahagi ng ayuda para sa 2,500 mahihirap na residente ng Pasay City. Isinulong natin na makatanggap sila ng tulong pinansyal mula sa lokal na pamahalaan na pinamumunuan ni Mayor Emi Calixto-Rubiano. 


Nagtungo rin ang ating Malasakit Team sa iba’t ibang bahagi ng bansa para maghatid ng tulong sa mahihirap kabilang ang 1,000 sa Bulan, Sorsogon katuwang si VM Chezka Robles. 


Nagbigay din tayo ng dagdag na tulong para sa 80 scholars sa Cagayan Province na ating sinuportahan bilang chair ng Senate Youth Committee. 


Umalalay tayo at naghatid ng tulong para sa mga naging biktima ng sunog gaya ng 11 sa Brgy. Agdao, Davao City; at 33 sa Brgy. NBBS, Navotas. 


Natulungan din natin ang 108 na nawalan ng tirahan sa San Juan City kaagapay ang DHSUD, na nabigyan ng ayudang pampaayos ng kanilang mga bahay na ating isinulong. Bukod dito, binalikan at muli nating sinuportahan ang isang pamilya sa Mabini, Davao de Oro, na nakabenepisyo rin sa NHA sa ilalim ng programang ating isinulong para may pambili ng materyales na pampaayos ng kanilang tirahan. 


Tuluy-tuloy din tayo sa pagtulong sa mga nawalan ng hanapbuhay, na sa ating inisyatiba ay nabigyan ng pansamantalang trabaho. Naging benepisyaryo nito ang 316 sa Santo Tomas, Pangasinan katuwang sina Mayor Dickerson Villar, VM Timoteo Villar, mga konsehal at SK Pres. Ronill Asuncion. Sa Surigao del Sur, 22 sa Barobo ang natulungan kaagapay si Kapitan Alfredo Rodriguez; at 266 sa Bislig City katuwang sina Mayor Florencio Garay, Councilors Winston Sia at Soriano Casas at Brgy. Capts. Aaron Castillo at Junelyn Lagunday. May 111 din sa Socorro, Surigao del Norte na nasuportahan natin kaagapay ang De Oro Farmers Association, Inc. Tumulong din tayo sa Davao del Norte para sa 58 sa Kapalong katuwang si Coun. Larry Casimero; at 60 sa Tagum City kaagapay si Coun. Ana Alvarez. May 280 din sa Minalin, Pampanga na ating tinulungang muli kasama si VM Rondon Mercado.


May suporta rin tayong ipinamahagi sa mga kalahok sa ginanap na sports fest sa Mindanao State University sa Naawan, Misamis Oriental. Ang pagdaraos ng kanilang sports fest ay napondohan sa ating inisyatiba kasama ang Philippine Sports Commission. 


Ilapit natin ang serbisyo ng pamahalaan sa mga kababayang higit na nangangailangan. Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa inyong lahat dahil bisyo ko ang magserbisyo at ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page