top of page

Huwag isuko ang paglaban para sa kaayusan ng bayan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 3 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | February 13, 2026



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Bago ang lahat, nais kong bigyang pugay ang ating mga masugid na tagatangkilik, lalo na ang mga naglalaan ng panahong ipahayag ang kanilang damdamin o hinaing sa pamamagitan ng sulat o email tulad nina Ginoong Rudy Ruiz, Jun Gador, Benny Gayon, Lorena Chua, Ilynn Ojeda, at marami pang iba. 


Kayo ang nagbibigay-inspirasyon sa inyong abang lingkod upang patuloy na magbahagi ng ating kaisipan at panawagan sa iba't ibang ahensya ng pamahalaan gaano man tila kakupad ang katugunan o pag-usad ng bayan. 


Gaya rin ninyo, madalas ay nagtatanong tayo kung may pag-asa nga ba ang sistema ng Pilipinas o patuloy lamang na aanurin sa sistemang palyado ng ating lipunan? Ngunit tulad ng isang nagmamahal sa kanyang sinisinta ay ayaw nating isuko na lamang ang ating kakayanang maglingkod sa bayan sa pamamagitan ng ating munting mga kaparaanan. Sapagkat ang mga matang ating tinataglay ay laging nakakaaninag ng liwanag, at namamag-asang may bukas na hinaharap kung ang ating taglay na kapangyarihan at kakayanan ay hindi natin ihahabilin sa dapithapon ng pagkalugmok. 


Oo, ang buhay-kolumnista ay malayo sa pagiging higaan ng mga rosas. Kundi ito ay matinik na buhay ng pagbibigay ng sarili. Na kahit ang nauupos mo nang lakas sa magdamag ay iyo pa ring ipagkakaloob sa ngalan ng kapahayagan ng puso at damdamin ng taumbayang iyong nauulinigang nananaghoy. Ito ay pagmamalasakit sa kababayang nakadarama ng kaapihan o pang-aabuso o kapabayaan, na kahit hindi mo sila kilala ay ituturing mong iyong sariling dugo at laman, sa ngalan ng matimyas na pagtatanggol. 


Dumarating rin naman ang maraming sandali na ang ating mga sinulat at tila dininig at binigyang katugunan ng mga ahensiya ng pamahalaang ating inasintang pangalanan, maging ang kani-kanilang tagapanguna. Iisa man tayo sa maraming nagtulong-tulong ay itinuturing nating malaking tagumpay ang anumang naganap na katugunan sapagkat ito ay tagumpay ng bayan. 


Ilang buwan na lamang ay magdiriwang na ang inyong lingkod ng ikaapat na taon ng pagsusulat ng opinyon sa minamahal na payagang ito. Masasabi kong ang apat na taon ay kumpol ng panahon ng pagyabong sa pang-unawa at pakikipag-ugnayan sa ating mga maliliit na kababayan. 


Bagamat sa ating nakaraang paglilingkod sa gobyerno ay taos-pusong pagsisilbi rin sa bawat lumalapit, kilala man natin o hindi, ang ating iginagawad, sa paniniwalang anumang ginawa natin sa pinakaaba nating kapwa ay hain natin sa Maykapal, ay mayroong kakaibang dalang inspirasyon ang kalakip ng pagiging isang kolumnista. 

Marahil, ito ay isang panawagang hindi ko pinangarap man lamang na marating, lalo na sa panahong tayo ay nagiging madaling dapuan ng kung anu-anong sakit, na sa awa ng Maykapal ay gumagaling—hangga't ang ating misyon sa mundong ibabaw ay hindi pa natin nagagampanan. 


Kagaanan ring magbahagi sa inyo ang mga aral ng panahon at buhay, na natatanging ating naharap o ibinahagi rin sa atin ng ating mga tagatangkilik. Ang ating mga karanasan, lalo na ang mga may dalang pait o lumbay, ay huwag ikasadlak sapagkat may aral itong dala na naghihintay maibahagi sa iba para hindi na sapitin o maiwasan ng iba. 


Gaya na lamang ng araw na ito, na bagama't punumpuno ng kaganapan para sa inyong lingkod, ay nakuha pa nating magsumiksik sa isang sulok upang tumipa sa keyboard ng ating computer kahit kagagaling lamang natin sa sakit at kailangan pa rin sana ng sapat na pahinga. 


Buong araw tayong dumalo ngayon sa sinusuportahan nating pag-aasikaso ng buong pamahalaan para palawigin ang pinagkukunan ng enerhiya at kalaunan ay magmura ang kuryente, at kabilang dito ang paglinang sa enerhiyang nukleyar na malinis at walang palya buong taon at ligtas na sa pag-inog ng teknolohiya at pagkatuto ng mundo sa samu't saring karanasan sa paggamit nito. 


Isang maituturing nating tagumpay ang pagkakabuo ng streamlined licensing flowchart para sa pananagumpay ng mga proyektong nukleyar sa bansa, na inaasam nating mapagana na sa 2032 para hindi na tayo laging nakaasa sa marumi at mahal na mga pinagkukunan ng enerhiya. Ayaw na nating magbayad ng mahal na kuryente. 

Isa lamang iyan sa ating mga pangarap, bilang isang mamamayang bukas ang isipan sa mga kinakailangang pagbabago na hindi dapat masikil ng kamangmangan at walang basehang pangangamba. 


Marami pa tayong mga hiling, na isa isa nating inilalatag sa espasyong ito, kasama ang sundot at latay sa mga kinauukulan, na sa panahon ng massive social engagement sa gitna ng social media ay hindi na maaaring matulog lamang sa pansitan. 


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page