House prosecutors, posibleng mapahiya kapag ibinasura agad ang kaso ni VP Sara
- BULGAR

- May 29
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 29, 2026

BAKA SA UMPISA PA LANG NG IMPEACHMENT TRIAL, IABSUWELTO NA SI VP SARA DAHIL MAS MARAMI ANG PRO-DUTERTE NA AAKTONG SENATOR JUDGES — Ibinida ng House prosecutors na marami umano silang ilalabas na sorpresang testigo at matitibay na ebidensya laban kay Vice President Sara Duterte kapag nagsimula na ang impeachment trial.
Pero ang problema sa kanilang ipinagmamalaki ay baka hindi rin ito magamit sa paglilitis dahil majority umano sa mga aaktong senator-judges ay pawang mga kaalyado ng kampo ni Duterte. Sa pananaw ng ilan, sapat na umano na may isang senador mula sa Duterte bloc na magmosyon na huwag nang ilabas ang mga ebidensya at testigo at agad na iabsuwelto ang bise presidente.
Kapag nangyari ito, “tapos na ang boksing” dahil mas lamang umano ang 13 boto ng majority na maaaring magbasura sa impeachment case kumpara sa 11 boto ng minority. Boom!
XXX
SANA LAHAT NG SENADOR TULAD NI SEN. MARCOLETA, MARUNONG MAG-SORRY KAPAG MAY NASAKTAN SA KANYANG NASABI — Nag-sorry si Sen. Rodante Marcoleta sa mga nasaktan sa kanyang naging pahayag tungkol umano sa kawalan ng legal background ng ilan niyang nakakadebate sa Senado.
Sana ay tularan siya ng ibang senador na marunong umamin at agad humingi ng paumanhin kapag may mga nasasaktan sa kanilang mga nasasabi. Palakpakan naman d’yan!
XXX
PAGKANSELA SA LISENSYA NG MGA BARIL NI SEN. DELA ROSA, SIGURADONG DAGDAG-SAKIT NG ULO ITO PARA SA KANYA — Kinansela na ng Philippine National Police (PNP) ang 116 na iba’t ibang uri ng baril na nakapangalan kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Dagdag sakit-ulo ito kay Sen. Bato dahil obligado na niyang isuko ang mga naturang armas. Kapag hindi niya ito ginawa, maaari siyang maharap sa panibagong kaso kaugnay ng illegal possession of firearms. Sa kabilang banda, kung isusuko naman niya ang mga baril, posibleng maaresto siya kaugnay ng umano’y pagkakadawit niya sa kasong crimes against humanity na iniimbestigahan ng International Criminal Court (ICC). Tsk!




Comments