Hoarding at overpricing, lalong nagpapabigat sa krisis
- BULGAR

- 22 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | March 29, 2026

Nakakatakot isipin na sa gitna ng krisis sa langis, unti-unting nawawala ang access ng ordinaryong mga Pinoy sa isa sa pinakaimportanteng pangangailangan at ito ang fuel.
Habang patuloy ang pagtaas ng presyo dulot ng tensyon sa Middle East, mas ramdam sa lokal na antas ang epekto nito, gaya na lamang ng mga saradong gasolinahan, limitadong suplay, at pangamba sa mas malalang kakulangan.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), umabot na sa 425 gas stations sa buong bansa ang pansamantalang nagsara noong Biyernes, mula sa 387 noong mga nakaraang araw.
Sa kabuuang 14,485 istasyon na mino-monitor, malinaw na may lumalawak na epekto ang krisis sa supply chain ng petrolyo.
Ayon sa isang kawani ng PNP, karamihan sa mga nagsarang istasyon ay nawalan ng stock, lalo na sa mga malalayong lugar kung saan nahuhuli ang delivery ng suplay.
Pinakamataas ang bilang ng closures sa Cordillera Administrative Region na may 79, sinundan ng Central Luzon (46) at Eastern Visayas (44).
Kahit sa National Capital Region, may apat na istasyon ding pansamantalang nagsara dahil sa kakulangan ng suplay at iba pang operational issues. Ipinapakita nito na hindi lamang probinsya ang apektado, kundi pati sa urban areas ay unti-unti nang naaapektuhan.
Kasabay nito, tumitindi rin ang mga ilegal na gawain kaugnay ng fuel. Nakapagtala ang PNP ng ilang kaso ng hoarding, overpricing, profiteering, at unauthorized LPG selling sa iba’t ibang rehiyon gaya ng Bicol, Eastern Visayas, at Davao.
May mga indibidwal umanong bumibili ng maximum na 100 litro ng gasolina, pinagsasama-sama ito, at ibinebenta sa mas mataas na presyo. Dahil sa kakulangan ng suplay, may mga mamimili ring napipilitang bumili kahit mahal.
Mahigpit na ipinapatupad ng Department of Energy (DOE) ang regulasyon sa pagbili ng fuel sa containers, na nakalaan lamang sa mga awtorisadong sektor tulad ng mangingisda, ospital, at emergency services.
Nakikipag-ugnayan din ang PNP sa DOE at iba pang ahensya upang mas mapabilis ang monitoring at response, habang pinaigting ang presensya ng pulisya sa mga gasolinahan at depot upang maiwasan ang panlilinlang.
Ang sitwasyong ito ay hindi lamang usapin ng suplay kundi ng disiplina at integridad. Habang may mga sektor na nagsusumikap magpatuloy, may ilan namang sinasamantala ang pagkakataon para kumita. Ang tunay na apektado ay ang ordinaryong Pilipino—mga commuter, mga driver, nga negosyante na umaasa sa patas at sapat na access sa fuel.
Ang krisis na ito ay paalala na sa panahon ng kakulangan, mas nasusubok ang sistema at ang ugali ng lipunan.
Kung walang sapat na aksyon at kooperasyon, ang simpleng problema sa suplay ay maaaring mauwi sa mas malawak na krisis na direktang tatama sa kabuhayan ng bawat mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments