HIV test sa donated blood, pinapayagan ng batas
- BULGAR

- Mar 25
- 2 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 25, 2026

Dear Chief Acosta,
Kamakailan lamang ay nagboluntaryo ako at nag-donate ng dugo sa isang blood-letting activity na isinagawa ng aming kumpanya. Pagkalipas ng dalawang linggo, may tumawag sa akin na isang empleyado ng ospital at sinabi na ang dugo ko ay nagpositibo sa HIV. Labis akong nagulat at nabahala kung paano nila nakuha ang impormasyong ito, gayong hindi naman ako nagbigay ng pahintulot para sa HIV testing. Legal ba na isailalim sa pagsusuri ang aking dugo nang wala ang aking pahintulot? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat po. — Vie
Dear Vie,
Isa sa mga mandato ng Estado ay ang pangangalaga sa kalusugan ng publiko. Dahil dito, patuloy na binibigyang-pansin ng pamahalaan ang pagtiyak ng kapakanan ng nakararami. Ang pagkalat ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) at Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) ay nagdudulot ng banta, hindi lamang sa kalusugan ng publiko, kundi pati na rin sa aspetong pang-ekonomiya at panlipunan.
Ang Republic Act (R.A.) No. 11166, na kilala bilang Philippine HIV and AIDS Policy Act, ay nagtatatag ng mga mekanismo upang protektahan ang mga mamamayan at isulong ang mga hakbang laban sa pagkalat ng HIV at AIDS. Isa sa mga hakbang upang malimitahan ang pagkalat ng mga sakit na ito ay ang sapilitang pagsusuri ng lahat ng dugong idino-donate. Ayon sa Seksyon 27 ng nasabing batas:
“Section 27. Testing of Organ Donation. Lawful consent to HIV testing of a donated human body, organ, tissue, or blood shall be considered as having been given when:
A person volunteers or freely agrees to donate one's blood, organ, or tissue for transfusion, transplantation, or research; and
A legacy and a donation are executed in accordance with Sections 3 and 4 respectively, of Republic Act No. 7170, otherwise known as the "Organ Donation Act of 1991."
Ayon sa batas, kapag ang isang tao ay kusang-loob na nag-donate ng dugo, ipinapalagay na ang pahintulot para sa pagsusuri ng HIV ay legal na naibigay. Dahil dito, hindi na kinakailangan ang hiwalay o nakasulat na pahintulot.
Upang sagutin ang iyong katanungan, ang iyong pahintulot ay itinuturing na legal na naibigay sa sandaling ikaw ay kusang-loob na nag-donate ng dugo sa blood-letting activity na isinagawa ng iyong kumpanya. Hindi mo maaaring igiit na wala kang pahintulot na ibinigay para sa HIV testing ang iyong dugo sapagkat ang mismong kusa at malayang pakikilahok sa isang blood-letting activity ay katumbas na ng pagbibigay ng pahintulot para sa nasabing pagsusuri. Sa madaling sabi, legal at obligado para sa lahat ng dugo na ido-donate na masuri para sa HIV.
Bukod dito, sinasabi ng Seksyon 30(c) ng parehong batas na kailangang sumailalim sa HIV testing bago makapag-donate ng dugo:
“Section 30. Compulsory HIV Testing. Compulsory HIV testing shall be allowed only in the following instances:
(c) As a prerequisite in the donation of blood in compliance with the provisions of Republic Act No. 7170, otherwise known as the "Organ Donation Act of 1991", and Republic Act No. 7719, otherwise known as the "National Blood Services Act of 1994".”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments