Hirit ni Sen. Bato kay Sarah Discaya sablay, FPRRD, napahamak tuloy!
- BULGAR

- Sep 3
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 3, 2025

SA PABIDA NI SEN. DELA ROSA SA SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE, NAPAHAMAK SI FPRRD, SA TANONG NIYA KAY SARAH DISCAYA NABULGAR NA SA PANAHON NG DUTERTE ADMIN UNANG NAGKA-FLOOD CONTROL PROJECT ANG MAG-ASAWANG DISCAYA -- Sablay ang pabida ni Sen. Ronald Dela Rosa sa panggigisa niya kay Sarah Discaya sa Senate Blue Ribbon Committee patungkol sa sangkatutak na flood control projects na nakuha nito sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH).
Tinanong kasi ni Sen. Dela Rosa si Discaya kung kailan ito unang nakakuha ng flood control project sa DPWH, at ang naging tugon nito (Sarah Discaya) ay year 2016 onwards.
Sablay talaga ang tanong ni Sen. Dela Rosa, napahamak tuloy sa isyung ito si former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) dahil lumalabas na nagsimulang makakuha ng sangkatutak na flood control project ang mag-asawang Discaya sa panahon ng Duterte administration, boom!
XXX
TAMA YATA ANG HIRIT NI VP SARA NA PABIDA LANG NI PBBM SA UTOS NA IMBESTIGASYON SA FLOOD CONTROL PROJECT SCAM, MARCOS ADMIN NAGLAAN ULI NG NAPAKALAKING BUDGET SA PROYEKTONG PANGONTRA SA BAHA -- Pinuna nina Sen. Ping Lacson at Sen. Bam Aquino ang napakalaking budget na P275 billion flood control project na inilaan ng Marcos administration para sa year 2026.
Mantakin n’yo, nabulgar na nga na ini-scam lang ng mga ‘kurakot’ sa DPWH, politicians at mga kontraktor ang budget sa flood control projects, tapos naglaan pa uli ng ganyang kalaking halaga sa mga proyektong pangontra sa baha ang Marcos admin.
Dahil diyan, lumalabas na parang totoo ang sinabi ni Vice Pres. Sara Duterte na “palabas” o pabida lang ang iniutos ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na imbestigasyon sa mga katiwalian sa flood control projects, tsk!
XXX
SARAH DISCAYA, DAPAT KASUHAN NG PERJURY AT I-CONTEMPT NG SENADO DAHIL SA PAGSISINUNGALING SA SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE -- Dapat sampahan ng Senado ng kasong perjury si Sarah Discaya at i-contempt, ipakulong ito sa city jail dahil under oath ay nagsinungaling siya sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee.
Tinanong kasi ni Sen. Jinggoy Estrada si Sarah Discaya kung ang 28 luxury cars ng kanyang pamilya na ipinakita niya sa publiko sa pamamagitan ng interview sa kanya nina Korina Sanchez at Julius Babao ay kung nasa compound pa ng kanilang mansyon sa Pasig City, “oo” ang sagot dito ni Mrs. Discaya, pero nang magtungo ang mga otoridad para beripikahin ang mga papeles ng mga mamahalin nilang sasakyan dahil lumabas na wala sa record ng Customs na nakapasok sa bansa ang 12 nilang magarbong sasakyan, ay dalawang behikulo na lang ang dinatnan, at wala sa kanilang mala-palasyong tahanan ang 26 na luxury cars.
Malinaw na nagsinungaling si Sarah Discaya sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee kaya dapat ang pagsisinungaling niyang ito ay tapatan ng Senado ng kasong perjury at contempt, period!
XXX
DAPAT SA NEXT HEARING NG SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE PADALUHIN DIN SI CURLEE DISCAYA NA MISTER NI SARAH DISCAYA -- Sa susunod na hearing ng Senado tungkol sa flood control project dapat pati si Curlee Discaya na mister ni Sarah Discaya ay padaluhin ni Sen. Rodante Marcoleta sa pinamumunuan niyang Senate Blue Ribbon Committee.
Silang mag-asawa ang may-ari ng mga construction firm na nagsagawa ng mga sinasabing substandard at mga hindi tinapos na mga flood control project na nakuha nila sa DPWH, kaya hindi lang si Mrs. Discaya, kundi pati si Mr. Discaya ay dapat managot sa ginawa nilang ‘pang-i-scam’ sa pera ng bayan, period!







Comments