Hirit ni Manong Chavit, si PBBM parang may sakit na kalimot!
- BULGAR

- Jul 10, 2025
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 10, 2025

MASAMA ANG LOOB NI MANONG CHAVIT KAY PBBM DAHIL PARANG MAY SAKIT ITONG KALIMOT, TINULUNGAN NIYANG MAGING PRESIDENTE PERO NANG MANALO ‘DI NA RAW SIYA KILALA -- Masama pala ang loob ni former Ilocos Sur Gov. Chavit Singson kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM) kasi nga raw noong 2022 election ay todo-suporta siya sa presidential candidate na si Bongbong Marcos, pero nang maging President Bongbong Marcos na ay parang nagka-Alzheimer’s o nagkaroon na raw ng sakit sa kalimot ang pangulo, hindi na raw siya (Chavit) kilala.
Sa sama ng loob ay nasabi ni Manong Chavit na wala na raw siyang Marcos na susuportahan sa mga darating na halalan sa ‘Pinas, at dahil sa statement na iyan ng former governor, asahan na ni PBBM na kapag kumandidato siyang VP o senador sa 2028 election, talo aabutin niya sa Ilocos Sur, period!
XXX
ROWENA GUANZON, TABLADO KAY VP SARA DAHIL SI RUTH CASTELO ANG GINAWANG OVP SPOKESPERSON -- Itinalaga ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio si former Dept. of Trade Industry (DTI) Asec. Ruth Castelo bilang spokesperson ng Office of the Vice President (OVP).
Kaya’t ang tanong: Sumama kaya ang loob ni former Comelec Comm. Rowena Guanzon? Panay kasi ang tila pagpapapansin niya kay VP Sara sa kababatikos kay PBBM at sa Kamara sa pag-aakalang siya ang kukuning spokesperson ng OVP, tapos tablado siya dahil ang napili ng bise presidente na maging tagapagsalita niya ay si Castelo, boom!
XXX
SUWELDO SA LGU NINA ALICE GUO AT JOEY UY, DAPAT BAWIIN NG GOBYERNO DAHIL HINDI PALA SILA MGA NATURAL BORN FILIPINO CITIZEN -- Dapat bawiin ng Philippine gov’t. ang mga sinuweldo nina former Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at former Manila Councilor Luis "Joey" Chua Uy.
Napatunayan kasi ng korte na si Guo ay hindi natural born Filipino citizen, gayundin si Uy na ayon sa Comelec ay hindi rin natural born Filipino citizen.
Malinaw sa nakasaad sa Konstitusyon na tanging mga natural born Filipino citizen lang ang pinapayagang kumandidato sa anumang posisyon sa Pilipinas, at walang “K” kumandidato ang tulad ni Guo na may pekeng birth certificate na sinasabing Pinay siya, at tulad ni Uy na naturalized Filipino citizen lang.
Pera ng sambayanang Pinoy ang tinanggap na suweldo ni Guo bilang alkalde ng Bamban, Tarlac, gayundin ang sahod ni Uy bilang city councilor ng Manila, kaya dapat talagang bawiin ng gobyerno ang mga sinuweldo nila sa panahon ng kanilang panunungkulan sa local gov’t. unit, period!
XXX
HIGIT ISANG LINGGO NA SA PUWESTO SI CUSTOMS COMM. NEPOMUCENO PERO WALA PA SIYANG NAPAPAHULING MGA SMUGGLER -- Mahigit isang linggo na sa puwesto si newly appointed Customs Comm. Ariel Nepomuceno, pero kahit isang smuggler ay wala pa siyang ibinibidang nahuli nila sa Adwana.
Dapat magpakitang-gilas na si Nepomuceno sa panghuhuli ng mga smuggler para mapatunayan niya sa publiko na karapat-dapat siya sa posisyon bilang Customs head, period!







Comments