Hindi sa lahat ng pagkakataon sapat na umasa lang sa titulo ng lupa
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 03, 2021
Dear Chief Acosta,
Bumili ako ng lupa mula sa kakilala ng aming kapitbahay. Nagtiwala ako sa titulong hawak niya dahil lumalabas namang malinis ito at walang isyu. Hindi na ako nagkaroon ng pagkakataong puntahan ang mismong lupa kahit hindi naman ito ganun kalayo mula sa amin. Nalaman ko na lamang na may iba palang naka-okupa rito noong magpapabakod na sana kami. Maituturing ba akong buyer in good faith dahil pinakamatibay namang ebidensiya ng pagmamay-ari ang titulo ng lupa? – Paterno
Dear Paterno,
Hindi sa lahat ng pagkakataon ay sapat nang umasa lamang tayo sa titulo ng lupa at sa nilalaman nito, lalo kung mayroong mga bagay na hindi natin binigyang-pansin at ipinagwalang-bahala gayung maaari namang tayo ay nagsiyasat para sa ating proteksiyon bilang buyer. Ito ay binigyang-diin ng Korte Suprema sa kasong Josefina V. Nobleza vs. Shirley B. Nuega (G.R. No. 193038, March 11, 2015, Ponente: Honorable former Associate Justice Martin Villarama, Jr.):
“A buyer cannot claim to be an innocent purchaser for value by merely relying on the TCT of the seller while ignoring all the other surrounding circumstances relevant to the sale.
In the case of Spouses Raymundo v. Spouses Bandong,petitioners therein - as does petitioner herein - were also harping that due to the indefeasibility of a Torrens title, there was nothing in the TCT of the property in litigation that should have aroused the buyer’s suspicion as to put her on guard that there was a defect in the title of therein seller. The Court held in the Spouses Raymundo case that the buyer therein could not hide behind the cloak of being an innocent purchaser for value by merely relying on the TCT which showed that the registered owner of the land purchased is the seller. xxx”
Nabanggit ninyong hindi naman kalayuan sa inyo ang lupa, ngunit nabigo kayong ito ay puntahan at magsagawa ng ocular inspection. Naiwasan sana ang inyong suliranin kung kayo ay naging masigasig sa pagtiyak ng kalagayan ng ari-arian bago ninyo ito binili, o kung masinsinan ninyong kinausap ang seller dahil hindi ninyo sila personal na kakilala.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments