Hindi pala dapat Ako Bicol Partylist ni Zaldy Co, kundi ‘Ako Tago’
- BULGAR

- Sep 14
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 14, 2025

AFTER NG EDSA PEOPLE POWER 1, MAS LUMALA ANG KAHIRAPAN, AFTER EDSA PEOPLE 2, MAS LUMALA ANG CORRUPTION KAYA MALABONG MAGKAROON ULI NG PEOPLE POWER SA ‘PINAS -- Malabo nang magkaroon uli ng People Power sa Pilipinas para magpabagsak ng administrasyon.
Feeling kasi ng mayoryang mamamayan ay wala namang naging mabuting dulot ang People Power.
Noong EDSA People Power 1, pangunahing isyu ay kahirapan, nag-People Power ang mamamayan, at nang mapatalsik ang noo’y Pres. Ferdinand Marcos Sr., at si Cory Aquino ang pumalit na presidente, ay mas lalong lumalala ang kahirapan, at noong EDSA People Power 2, ang isyu naman ay corruption, nang mapatalsik din ang noo’y Pres. Joseph Estada, pumalit sa kanya na naging presidente ay si Gloria Arroyo, mas lumala ang corruption, boom!
XXX
MAG-ASAWANG DISCAYA, DAPAT SAMPAHAN NA NG KASONG PLUNDER PARA AGAD-AGAD MABAWI ANG P31B ‘IN-SCAM’ SA KABAN NG BAYAN -- Ang hinahangad ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na maging state witness ay tinuldukan na ni Sec. Boying Remulla ng Dept. of Justice (DOJ) dahil ayon sa kalihim, sa laki ng ninakaw sa kaban ng bayan, hindi least guilty, kundi most guilty ang mag-asawang Discaya kaya hindi raw sila qualified na mapasok sa witness protection program ng pamahalaan.
Sana agad-agad sampahan ng kasong plunder ng DOJ ang mag-asawang Discaya para makulong at mabawi na ng pamahalaan ang higit P31 billion ‘in-scam’ nila sa kaban ng bayan, period!
XXX
ANG TINDI NG ‘PAGKAGAHAMAN’ SA PERA NG BAYAN NG MAG-ASAWANG DISCAYA, KAHIT SA PANAHON NG PANDEMIC, ‘NAKAPANG-SCAM’ NG MGA FLOOD CONTROL PROJECT -- Sa imbestigasyon ng House Infra Committee ay ipinakita ni Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang mga data mula sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH) na sa panahon ng pandemic noong year 2020 ay nakakuha ang mag-asawang Discaya ng mga flood control project na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng higit P11.5 billion, at pagkaraan niyan ay tinanong ni Rep. Garin si Curlee Discaya kung totoo ito, at ang sagot ni Mr. Discaya ay “yes po”.
Ang tindi sa ‘pagkagahaman’ sa pera ng bayan ang mag-asawang Discaya, kasi mantakin n’yo, naka-lockdown ang mamamayan noong year 2020 pandemic, tapos nakalabas sila (mag-asawang Discaya) sa kanilang tahanan para ‘mang-scam’ sa kaban ng bayan, nakakuha pa ng sangkatutak ng flood control projects sa DPWH, buset!
XXX
‘AKO TAGO’ ANG DAPAT IPINANGALAN NI ZALDY CO SA KANYANG PARTYLIST AT HINDI AKO BICOL -- Bago umpisahan ng Senate Blue Ribbon Committee at House Infra Committee ang imbestigasyon sa flood control projects scam ay agad nagtungo sa Amerika si Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, ang isa sa kongresistang nasasangkot sa flood control projects anomaly, na ang dahilan ay may sakit daw siya at magpapagamot umano siya sa US, pero maraming nagsasabi na nagtago ito para makaiwas sa imbestigasyon.
Hay naku, dapat pala hindi Ako Bicol ang ipinangalan ni Zaldy Co sa kanyang partylist, kundi ang dapat ay “Ako Tago”, boom!







Comments