Hindi pagbibigay-sustento dahil lang sa pagtanggi sa pakikipagtalik, paglabag sa Republic Act 9262..
- BULGAR
- Nov 4, 2020
- 2 min read
o economic abuse.
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 04, 2020
Dear Chief Acosta,
Pinipilit ako ng aking nobyo na makipagtalik kahit buntis ako sa pangalawa naming anak. Noong unang beses na hindi ako pumayag, hindi siya nagbigay ng pera pambili ng gatas ng aming panganay at para sa pagkain. Ano ang puwede kong ikaso laban sa kanya? Nangangamba ako sa kaligtasan ng aming baby kung hindi masustansiya ang aking mga kinakain dahil wala akong pambili. – Brianne
Dear Brianne,
Ang ginagawang pamimilit sa inyo ng inyong nobyo at hindi pagbibigay ng sustento ay mga paglabag sa Republic Act No. 9262 o An Act Defining Violence Against Women And Their Children, Providing For Protective Measures For Victims, Prescribing Penalties Therefore, And For Other Purposes.
Hindi lamang pisikal na pananakit ang itinuturing na karahasan ng nasabing batas. Kasali rin dito ang economic abuse o anumang gawain kung saan inilalagay ang babae ng kanyang asawa, nobyo o kinakasama sa sitwasyong nakaasa siya rito para sa pinansiyal na pangangailangan. Ang pagbabanta o aktuwal na pagbawi ng materyal na suporta, tulad ng ginagawa sa inyo ng inyong nobyo ay uri ng economic abuse. Kung kayo ay nakararanas ng emosyunal na pagdurusa dahil sa naturang pang-aabuso ay maaari itong maging karagdagang basehan ng inyong reklamo.
Kung magpatuloy ang hindi pagbibigay-sustento ng inyong nobyo, maaari kayong humingi ng saklolo sa barangay o korte upang sila ay magbigay ng barangay protection order, temporary protection order o permanent protection order. Kabilang sa mga maaaring iutos sa ilalim ng mga naturang orders ang pagbibigay ng pinansiyal na suporta sa inyo. Kung may trabaho ang inyong asawa, maaaring itabi ng amo o employer ang bahagi ng kanyang suweldo upang direktang maibigay sa inyo.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon. Mas mainam kung personal kayong sumangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Attorney , Ano po ba magagawa ko may anak po ako sa una kong kinakasama hinihiram ko ang anak ko at ayaw ipahiram sa akin ng tatay niya dahil ayaw daw sumama ng bata sa akin, paano po sasama ang anak ko sa akin ayaw nila ipahiram sa akin tapos sinasabi daw ng bata na pinapalo ko daw kahit hindi naman totoo . tapos sabi pa ng tatay kilala daw niya ang mga taga baranggay sa kanila marami din daw po syang kilala sa munisipyo kaya hindi daw po siya natatakot , Gusto ko pong hiramin ang anak ko ayaw nila ng nanay niya dahilan nila hindi ko daw maalagaan dahil sa mga bago kong anak pero bilang ina hind…