top of page

Hindi obligasyon ng babae na gamitin ang apelyido ng kanyang pinakasalan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 7, 2020
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 7, 2020



Dear Chief Acosta,


Nasa ospital ang kapatid ko dahil kabuwanan na niyang manganak. Kasalukuyang nasa barko ang kanyang asawa at nagtatrabaho. Sa susunod na buwan pa ito makauuwi base sa kanyang kontrata, kung kaya’t kami lamang ang inaasahan ng kapatid ko na tutulong sa kanya hanggang sa siya ay makapanganak. Nang mag-fill up ako ng form para sa kapatid ko, tinanong ako ng taga-ospital kung bakit apelyido sa pagkadalaga pa rin ang ginagamit ng kapatid ko gayung nakalagay na siya ay kasal na. Wala pa kasing ID ang kapatid ko na nasa apelyido ng asawa niya, kung kaya’t apelyido niya sa pagkadalaga ang inilagay ko. Sabi ng taga-ospital ay mali diumano iyon. Totoo ba ang sinabi niya? Kailangan bang gamitin ng kapatid ko ang apelyido ng kanyang asawa? Sa magiging anak naman niya, kaninong apelyido ang ilalagay ko? Sa bayaw ko lamang ba o sa kanilang dalawa ng kapatid ko? – Henny


Dear Henny,


Ang pinaka-common o nakaugalian nang paraan ng pagkakakilanlan ng tao ay ang kanyang pangalan. Sa mga babae na may asawa, kadalasan ay ginagamit nila ang apelyido ng kanilang asawa bilang paraan na sila ay makilala na kabiyak ng kanilang pinakasalan.


Ngunit nais nating bigyang-diin na hindi obligasyon ng babae na mayroong asawa na gamitin ang apelyido ng kanyang pinakasalan. Bagkus, siya ay binibigyan ng ating batas ng pagkakataon at choice o karapatang piliin ito at gamitin kung naisin niya. Malinaw na mababanaag ito sa ilalim ng Article 370 ng New Civil Code of the Philippines:


“A married woman may use: (1) Her maiden first name and surname and add her husband’s surname, or (2) Her maiden first name and her husband’s surname, or (3) Her husband’s fullname, but prefixing a word indicating that she is his wife, such as “Mrs.””

Dahil dito, masasabing mali ang opinyon at/o suhestiyon ng kawani ng ospital na gamitin ng inyong kapatid ang apelyido ng kanyang asawa kung ang nais ng inyong kapatid ay patuloy na gamitin ang kaniyang pangalan at apelyido sa pagkadalaga. Paki tandaan na hindi obligasyon ng isang babae na gamitin ang apelyido ng kaniyang asawa. Tandaan din na ang pangalan na ginagamit niya ay hindi tutukoy o makaaapekto sa kanyang marital status.


Sakali namang manganak na ang inyong kapatid, ang gagamiting pangalan ng kanyang magiging anak ay ang napili nilang unang pangalan nito at kapwa ang apelyido ng kanyang mga magulang. Ito ay isa sa mga karapatan ng lehitimong anak alinsunod sa Family Code of the Philippines:


“Art. 174. Legitimate children shall have the right:
1. To bear the surnames of the father and the mother, in conformity with the provisions of the Civil Code on Surnames;
2. To receive support from their parents, their ascendants, and in proper cases, their brothers and sisters, in conformity with the provisions of this Code on Support; and
3. To be entitled to the legitimate and other successional rights granted to them by the Civil Code.” (Binigyang-diin)

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page