top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Hindi maaaring ipagpalagay ang pagkakaroon ng kontrata ng guaranty

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 10, 2021
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | February 10, 2021



Dear Chief Acosta,


Umutang ang kapatid ko sa aming kapitbahay at hindi na niya ito nabayaran. Nakatira siya sa akin nang siya ang humiram ng pera sa nasabing kapitbahay subalit bumukod na siya nang magkapamilya siya. Sinabihan ako ng aming kapitbahay na ako na diumano ang magbabayad ng utang ng aking kapatid sapagkat ako ang nakatira sa isinaad niyang address sa kanilang kontrata at ginarantiya ko ang kanyang pagbabayad dito bilang kanyang kapatid na nagpatira sa kanya. Babayaran ko rin diumano maging ang magiging interest ng utang kahit hindi maliwanag na nakasaad ito sa kanilang kontrata. Tama ba ito? – Aui


Dear Aui,


Ang batas na sumasaklaw sa inyong katanungan ay ang Article 2055 ng Civil Code of the Philippines kung saan malinaw na nakasaad na:


Art. 2055. A guaranty is not presumed; it must be express and cannot extend to more than what is stipulated therein.
If it be simple or indefinite, it shall compromise not only the principal obligation, but also all its accessories, including the judicial costs, provided with respect to the latter, that the guarantor shall only be liable for those costs incurred after he has been judicially required to pay.”

Malinaw na nabanggit sa probisyon ng batas na hindi maaaring ipagpalagay ang pagkakaroon ng kontrata ng guaranty. Kinakailangang express ito o naisa-dokumento, at hindi rin maaaring lumagpas ito sa limitasyon na nakasaad sa transaksiyon. Sa inyong sitwasyon hindi naaayon sa batas ang pagpapalagay ng inyong kapitbahay na kayo ang may sagutin sa utang ng inyong kapatid, maliban kung kayo ay malinaw na sumang-ayon bilang guarantor sa kanilang naging transaksiyon, sa pamamagitan ng paglagda sa kanilang kontrata. Kung gayunman, hindi rin kayo maaaring papanagutin ng higit sa inyong ginarantiya, sang-ayon sa kontrata.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page