Hindi laro ang batas at hindi laruan ang bayan
- BULGAR

- 6 hours ago
- 4 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 23, 2026

Tula muna tayo sa gitna ng nakakaumay na salitaan sa Korte at Senado.
Saan nga ba matatagpuan ang katotohanan? Sa mga diyaryo’t social media; sa mga napapanood at naririnig sa cellphone o telebisyon; sa mga radyo na gumigising sa atin kahit madilim pa at madaling-araw?
Tingnan at pagnilayan natin ang bansang pinasikat nga ni EDSA ngunit tila pinalubog naman ng pulitika. Sa araw ni Ninoy, pagpugayan natin siya at ang mga bayaning katulad niya. Hubaran at itakwil ang mga huwad, tiwali at taksil. Ibalik ang dangal at palayain ang mga sinisiil.
“Dalawang beses nang nakulong, dalawang beses pumuga.Suwerte ba o biyaya? Santong dunong o talinong itim?Panday ang tawag sa sarili, agimat ang kanyang palayaw,niyaring lalaking lumaki sa layaw.
Bayang na-Budots, na-budol habang mga mata’y nakadilat.Kaban ng bayan, inanod; sinipsip ng maleta.Ilog at estero, lawa at dagat, tubig na walang sawa,umapaw, naging pondong laruan ng mga gahaman at pabaya,silang hari’t reyna ng multong baha.
Napakalayo ni Ninoy kay Kuyang Artista.”
Tinaya ni Ninoy ang sariling buhay. Sa tarmac, humiga siya at hinarap ang panganib. Samantala, paulit-ulit na umaarte ang iba, at pati mga korte ay tila nag-inarte. Ang mga kaso’y pinagpira-piraso, naging maliliit na kalaboso, at ang guwapong artista’y kay bilis pinalaya ng korte.
Mahinang ebidensiya, sabi ng dalawa.
Sabi ni Karl, tingnan ninyo nang buo ang nakawang nagawa. Hindi sa ibaba nagmula ang malisya kundi sa kanya. Sinuma’y walang magagawa.
Bayaning umuwi, artistang tumakas.Buhay ang binuwis ng una, buwis ang ninakaw ng pangalawa.
Ano kaya itong papuring inilabas ni Junior noong dumaang Araw ng Kabayanihan?
“Dakila ka o Ninoy, walang kapaguran, walang kinatatakutan. Bayaning kahanga-hanga! Maraming, maraming salamat!”
Pabalat bunga kaya, o mga salitang bukal sa puso? Hugis at kulay ba ito ng katotohanan ng wagas na kabayanihan?
Noong Hulyo 31, 2026, Pista ni San Ignacio de Loyola, tagapagtatag ng mga Heswita, pinalaya si Bong Revilla. Nagulat at nagalit ang marami.
Hindi naman ito lubusang kagulat-gulat. Sanay na tayong panoorin ang artistang magaling sa pelikula, na tila pawang pelikula rin ang buhay. Ngunit hindi dapat pumalakpak ang mga mamamayan. Sa halip, dapat nating ipanawagan na huwag gawing laro ang batas at huwag butasin ang mga butas na nito.
Hindi ito dapat palampasin.
Tulad ng Ombudsman, nagreklamo rin sa Korte Suprema si Boying Remulla. Hindi lamang karapatan kundi banal na tungkulin ang protestahan at tanungin ang Sandigang Bayan: Paano at bakit ganu'n na lamang muling pinalaya ang isang malaking isda?
Kagulat-gulat pa ba ito sa bansang tila pag-aari ng malalaking isda?
Kailangang magsalita at kumilos. Kailangang ipahayag ang pagkadismaya upang mapigil sa simula pa lamang ang sunud-sunod na pagtakas ng iba pang malalaking isda.
Kawawang bansang niloloko at pinaglalaruan ng mga makapangyarihan.
Kaya bago matapos ang buwang ito, bago isipin ng puganteng artista at ng iba pang nakakulong na malalaking isda na ganoon lamang kadaling takasan ang batas at patuloy na linlangin ang mamamayan, kikilos tayo, magdarasal, magmamartsa at magrereklamo sa Sandigang Bayan.
Hindi maaaring palampasin at pamihasain ang mga matagal nang nasanay na gawing panangga at proteksiyon ang batas. Hanggang kailan mananatiling ari-arian at hamak na kagamitan lamang ng iilan ang batas?
Sobrang baba at atrasado na ang ilang institusyon ng ating pamahalaan. Sa halip na maglingkod sa nakararami, tila nagsisilbi ang mga ito sa iilang may hawak ng poder at kayamanan ng bansa.
Dumarami ang nakikita at nauunawaan nating sakit na dulot ng mga dinastiya. Hangga’t hindi naipagbabawal ang pagdami at paglaganap ng mga political dynasty, mahirap umasa sa tunay na pagbabago at pag-unlad ng bansa.
Mananatiling hawak ng iilan ang mga sangay ng pamahalaan, mula Ehekutibo hanggang Lehislatura at Katarungan.
At bakit mabagal ang takbo ng impeachment? Sino-sino ba ang mga senator-judge na nagpapatakbo nito? Sino ang presiding judge? Bakit madalas na wala ang ilan sa mga ito?
Kung hindi miyembro ng mga dinastiya ang karamihan ng mga senador, hindi sarili nilang interes kundi ang kapakanan ng nakararami ang dapat nilang protektahan at isulong.
Sa loob at labas ng Senado, buhay at malawak ang mga kamay at galamay ng mga dinastiya. Hawak nila ang depensa, at marami rin sa kanila ang kasama sa prosekusyon.
Tanging katotohanan, kasama ang taumbayang nagbabantay at handang ipaglaban ang katarungan, ang ating pag-asa.
Nag-iisang umuwi si Ninoy upang harapin ang kasamaang naghihintay at pumatay sa kanya. Taglay niya ang katotohanan at ang tapang na isulong ang katarungan upang lumaya ang kanyang bansa.
Ngunit hindi siya nag-iisa.
Ganoon ang lahat ng tunay na bayani.
Hindi tayo mga gahaman at magnanakaw. Maliliit na isda tayong nagsasama-sama upang bumuo ng malawak na puwersang lalaban sa paghahari ng iilang malalaking isda.
Tayo na’t iparamdam at ipaalam sa Sandigang Bayan ang kapangyarihang lumalaki—kapangyarihang balang araw ay magbabago at magpapalaya sa api at kawawang bayan.
Hindi sayang ang inyong sakripisyo at pag-aalay ng buhay. Maaaring nag-iisa kayo sa inyong kadakilaan at kabayanihan noong inyong panahon, ngunit buhay sa amin, sa nakararami, ang inyong diwa.
Ang diwang magpapalaya sa lahat at gagapi sa paghahari ng iilang malalaki!





Comments