top of page
TALKIES - VICE, HUMUGOT SA HIRAP NG BUHAY SA ‘PINAS_FB Vice Ganda.jpeg

Hindi kalikasan ang may sala, tao ang nagkakalat ng sakuna

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni Ka Ambo @Bistado | August 31, 2026



Bistado ni Ka Ambo


Laganap ang baha.

Epekto ito ng El Niño.

Sobrang init sa ibang bahagi ng mundo, at batay sa water cycle, ang tubig na hinigop mula sa maiinit na lugar ay naiipon bilang ulap. 

Ibinabagsak naman ito sa Pilipinas at karatig-bansa.


----$$$--

Kapos sa pagpapaliwanag ang mga awtoridad at maging ang media.

Normal palagi ang kalikasan—constant cycle ’yan.


----$$$--

Ang abnormal ay ang mga tao!

Halimbawa, ang disenyo ng bahay-kubo at maging ang sinaunang bahay-kastila ay elevated house.


----$$$--

IBIG sabihin, ang sinaunang sibilisasyon sa Pilipinas ay naka-adapt sa klima ng panahon—inihahanda nila ang “ground floor” bilang pahingahan at lugar ng kuwentuhan, imbes na tirahan.

Natutulog at nananahan ang mga sinaunang Pinoy sa “second floor” o elevated floor.


----$$$--

PERO, dahil ang edukasyon sa Pilipinas ay isinupalpal ng Westerners o mga taga-Europe at America, ang elevated house ay naging “bungalow.”

Single-floor na mas tipid.

Kapag bumaha, wala nang matitirhan.


----$$$--

ANG bahay-kastila tulad ng Bahay na Tisa sa Bigaa, Bulacan (ngayon ay Balagtas) ay isang elevated house din.

Ang ground floor nito ay hindi tinitirhan at ang disenyo ay nakapokus sa second floor—mga materyales-fuertes na muwebles.


----$$$--

ANG ground floor sa bahay-kubo at bahay-kastila ay tambayan o lugar ng tsismisan, pulong o pagtanggap sa mga estranghero.

Ang tawag d’yan ay “silong.”


----$$$--

MAGING ang matandang bahay ng mag-amang dating mayor ng Bigaa na sina Kasyo at Goying Atienza ay may “silong,” kung saan labas-at-pasok ang kanilang mga ayudante sa pulitika.

Tuwing kampanyahan sa eleksyon, ibubulong sa iyo ng kapitbahay, nakapasyal ka na ba sa “silong”?

Ibig sabihin, nakausap mo na ba si Mayor Atienza kung saan ang pag-uusap ay ginaganap sa “silong” o ground floor ng bahay-kastila?


----$$$--

ANG Maynila, Bulacan, Pampanga, Pasay, Parañaque, Las Piñas at Bacoor ay nasa dalampasigan ng Manila Bay.

Ang malaking bahagi nito ay tubigan, palaisdaan o tirahan ng mga isda, ibon at iba pang hayop—hindi ito tirahan ng mga tao!


----$$$--

MATAGAL nang lumulubog ang malalapit sa dalampasigan, pero tinambakan ito ng lupa o na-reclaim para tayuan ng mga bahay at gusali.

Ang tawag d’yan ay kangkugan, latian o marshland.


----$$$--

ANG dalampasigan sa Pampanga, Bulacan, Malabon, Navotas, Maynila, Parañaque at Pasay ay mga taniman ng bakawan, nipa plants, tambo—tubigan.

Matagal nang lubog sa tubig ang mga lugar na iyan. Meaning, ’yan ang normal.


----$$$--

Dahil abnormal o may saltik o bopol ang mga tao, tinambakan at tinirahan ang mga dating tubigan.

Ang elevated house ay ginawang bungalow.

Isang kawalang-muwang, katangahan at kawalanghiyaan ng mga tao ang kanilang nararanasan.


----$$$--

Inuulit natin—palaging normal ang kalikasan!

Ang tao ang hindi normal!




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page