top of page
Robin Padilla - Senate PH 2.jpg

Hindi impeachment ang sagot sa pagdurusa ng bayan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 17
  • 2 min read

ani Judith Sto. Domingo @Asintado | April 17, 2026



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Alam ng ating mga masugid na mambabasa at mga nakakakilala sa atin na wala tayong sinumang kinikilingan sa larangan ng pulitika o paninilbihan sa bayan kundi yaong mga tapat at tama lamang ang ginagawa. Kung may tinitira o tinatawagan tayo ng pansin ay hindi dahil namumuhi tayo sa kanilang personal na katauhan, kundi dahil hindi natin gusto ang ikinilos o ginawa ng nasabing lingkod-bayan, at iyon ang ating tinutuligsa. 


Maraming taon rin tayong nakaranas magbigay ng payo at rekomendasyon sa dapat ikilos at itugon ng mga nasa kapangyarihan. At sa bawat pagkakataong iyan, laging nananaig ang pagpapayo natin ng pagiging marangal at karapat-dapat sa paglilingkod sa gitna ng kasalimuotan. 


Kaya naman nakasusulasok na sa panahong ito ay tila walang tamang giya ang House of Representatives na inaatupag at inuuna ang impeachment proceedings sa halip na isantabi muna ito at tumuon sa pangangailangan ng taumbayan. 


Sila kaya ang lumagay sa katayuan ng maraming Pilipinong iniinda ang epekto ng krisis sa Gitnang Silangan sa presyo dito sa atin ng langis. Sila kaya ang makaranas ng gutom at kawalan ng katiyakan kung saan kukuha ng pambayad sa lumalaking mga bayarin at pagkakautang. 


Palibhasa, hindi nila ramdam ang pagdurusa ng mamamayan kaya't sa halip na magpakasigasig sila sa pagmamalasakit at pagdamay sa kanilang mga kababayan ay may kagaanan pa sa loob nilang piliin ang hindi dapat inuuna.


Sa mga kasapi ng Kamara de Representantes, kumuha kayo ng mga tagapayo sa paligid ninyong mas may kakayanan kayong gabayan, na inyo ring pipiliing pakinggan. Huwag kayong kumuha lamang ng mga susunod basta-basta sa inyo, na ipararamdam sa inyong tama lahat ng inyong ginagawa kahit nabubulid na kayo sa landas ng kapariwaraan na sa bandang huli ay kumunoy ng pagkaagnas ng kamalayan. 


Napakarami ninyong maaaring itulong sa bawat Pilipino, at bawat minuto ay mahalaga. Huwag ninyong sayangin ang tatlong taon ng pagkakakahalal sa inyo sa klase ng paglilingkod na inyong ipinamamalas na tila ordinaryong panahon lamang para sa inyo ang mga ganitong panahon ng krisis. 


Hindi ito panahong gaya ng mga nakaraan. Napakahigpit ng dinaranas ng bawat Pilipinong malapit o nasa laylayang ganap. Ito ay panahon ng pinag-ibayong pagdamay at pagmamalasakit. Panahon ng pagsasantabi ng mga hindi dapat unahin para sa mas dapat bigyang tayog. 


May tamang puso at tamang paninindigan lamang ang makagagawa nito. Kaya maraming hindi makaasinta bagama't tila matatas ang pananalitang kayang bitawan na hungkag naman sa aksiyon para sa bayan. 


Sabi nga ng aklat ng Kawikaan, "May landas na tila tama sa isang nilalang, ngunit sa huli, ito ay kapariwaraan." Nabanggit rin ng aklat na ito ang pangangailangang makinig sa mas maraming tagapayong mahuhusay upang hindi lamunin ng kamangmangan. 


Magtataka pa ba tayo kung bakit ganito ang Pilipinas na dati namang kay tingkad sa ganda at ningning. Na ngayon ay lugar ng pangungunyapit ng maraming walang tunay na pagmamahal sa bayan, na nagbubulid sa atin sa pagkapalasak. 


May panahon ang bawat usapin at isyu. Ang panahong ito ay para sa agaran at direktang pagdamay sa bawat Pilipinong nasa nakalulunos at mapanganib na sitwasyon. 


Asintaduhin ninyo ang mga dapat unahin!  



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page