Hindi depensa ang pagsauli ng ninakaw na gamit
- BULGAR
- Jan 22
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Jan. 22, 2025

Dear Chief Acosta,
Matagal ko nang napapansin ang isang camera sa drawer ng aming opisina na pagmamay-ari ng aking katrabaho. Naisipan kong gamitin ito sa aking bakasyon sa Boracay dahil ito ay nakatambak lang at hindi naman niya ginagamit. Pagbalik ko sa opisina galing bakasyon ay nadatnan kong hinahanap ng aking katrabaho ang kanyang camera. Ibinigay ko naman agad ang camera ngunit nagbanta siya na kakasuhan pa rin diumano niya ako ng kasong pagnanakaw. Maaari pa rin ba akong kasuhan kahit na ibinalik ko naman sa kanya ang kanyang camera? — Andy
Dear Andy,
Alinsunod sa ating Revised Penal Code of the Philippines, ang kasong Theft ay isinasampa sa isang tao na kumuha, na may intent to gain, sa isang bagay na personal na pag-aari ng ibang tao, nang walang pahintulot ng may-ari nito at hindi rin gumamit ng karahasan, pananakot, o puwersa. Ang patakarang ito ay nakasaad sa Artikulo 308 ng batas:
“Article 308. Who are liable for theft. -- Theft is committed by any person who, with intent to gain but without violence against or intimidation of persons nor force upon things, shall take personal property of another without the latter's consent.
Theft is likewise committed by:
1. Any person who, having found lost property, shall fail to deliver the same to the local authorities or to its owner;
2. Any person who, after having maliciously damaged the property of another, shall remove or make use of the fruits or object of the damage caused by him; and
3. Any person who shall enter an enclosed estate or a field where trespass is forbidden or which belongs to another and without the consent of its owner, shall hunt or fish upon the same or shall gather cereals, or other forest or farm products.”
Sa iyong sitwasyon, maaari ka pa rin masampahan ng kasong Theft, sapagkat sa iyong pagsasalaysay, ang intent to gain ay maaaring mapatunayan. Ang konsepto ng “intent to gain” ay ipinaliwanag ng ating Korte Suprema sa kasong People of the Philippines vs. Luisito D. Bustinera, (G.R. No. 148233, June 8, 2004), sa panulat ni Honorable Associate Justice Conchita Carpio-Morales:
“Intent to gain or animus lucrandi is an internal act, presumed from the unlawful taking of the motor vehicle. Actual gain is irrelevant as the important consideration is the intent to gain. The term ‘gain’ is not merely limited to pecuniary benefit but also includes the benefit which in any other sense may be derived or expected from the act which is performed.”
Ayon sa nasabing kaso, hindi kinakailangan na kumita ng salapi upang makasuhan ang isang tao ng kasong Theft. Sapat na kung nakinabang siya sa kanyang pagkuha ng gamit ng iba, nang walang pahintulot ng mula sa may-ari nito.
Para sa iyong kaalaman, hinatulan naman ng Korte Suprema ang akusado sa kasong Teodoro Mariano Y Liñgat (Alias Pañgan) vs. People of The Philippines, (G.R. No. L-46246, October 14, 1939), sa panulat ni Honorable Chief Justice Ramón Quiosay Avanceña, ng Qualified Theft kahit pa ibinalik niya ang kanyang ninakaw na pera at humingi pa ng paumanhin matapos niyang malaman na pinaghihinalaan siyang nagnakaw ng nawawalang pera.
Kung kaya’t sa iyong sitwasyon, maaari ka pa rin makasuhan ng Theft, kahit na iyong ibinalik ang camera. Maaari ka pa ring managot sa batas kahit pa sabihin mong wala kang intensyong magnakaw, dahil ang pagkuha ng camera nang walang pahintulot ng may-ari nito, ay sapat na upang makasuhan ng Theft.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
留言