top of page

Himala at panalangin para sa bagong tahanan ng mga nasunugan sa NIA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 23 minutes ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 15, 2026



Fr. Robert Reyes


Isang linggo na ang lumipas mula nang masunog ang karamihan ng mga bahay sa NIA Road sa Barangay Pinyahan, Quezon City. Pagkaraan ng sunog, karamihan sa mga nasunugan ay lumikas sa mga paaralan at simbahan sa barangay. Patuloy namang dumarating ang tulong para sa kanila—pagkain, kadalasan ay lutong ulam, mga delata, at bigas.


Hindi rin tumitigil ang pagdating ng mga donasyong damit. May ilan na tunay na nakakatulong, ngunit may iba ring nakapagbibigay ng kakaibang tagpo—mga damit na pangkasal, pangpormal na pagtitipon, Amerikana, gown, at Barong Tagalog. Nang dumalaw tayo sa NIA Road noong nakaraang linggo, nakita natin ang ilang nakasuot ng sombrero at Amerikana na tila nagpa-“fashion show” sa harap ng mga kapwa nasunugan.


Sa gitna ng mga pangyayaring ito, mariin nating inulit ang ating hamon sa Pamahalaang Lokal ng Quezon City sa pamumuno ni Mayor Joy Belmonte: sana ay dumating na ang panahon na maisakatuparan ang matagal nang ipinangakong solusyon para sa mga taga-NIA. Sa loob ng napakaraming taon at sa dami ng sunog na naganap, paulit-ulit na ring nagkaroon ng mga pag-uusap, plano, at pangako. Marami na ring dokumento ang naisulat at naitabi tungkol dito. Panahon na upang ang mga salita ay maisalin sa kongkretong gawa.


Noong nakaraang Biyernes, matapos ang halos siyam na oras na sunog, pinag-usapan ang isang bagay na itinuturing ng marami na himala—ang hindi pagkasunog ng kapilyang Katoliko sa gitna ng mga bahay sa NIA. Nasunog ang mga bahay sa tabi, likod, harap, at buong paligid nito, ngunit nanatiling nakatayo ang kapilya. Tanging ilang bahagi lamang ng roofing insulation ang nadilaan ng apoy at nagbagsakan sa loob ng kapilya. Maraming kahoy na bangko ang nabagsakan ng mga nagliliyab na piraso, ngunit wala ni isa sa mga ito ang nasunog.


Kapansin-pansin din na hindi nasunog ang mga puting ribbon na itinali sa bakal na gate ng kapilya. Nangitim ang mga ito, ngunit nanatiling buo. Sa gitna ng pangyayaring ito, nagpasalamat ang mga taga-NIA sa Panginoong Diyos dahil halos walang nasawi, maliban sa isang inatake sa puso.


Sa misa na ating ipinagdiwang kasama ang bagong kura paroko ng San Isidro Labrador na si Padre Marti Espenido, ipinagdasal natin ang isa pang himala—na sana ay magkatotoo na ang matagal nang plano na magtayo ng Vertical Housing o high-rise buildings sa NIA Road. Kasabay nito, kailangan din ang maayos na re-blocking ng lugar upang magkaroon ng malalapad na daan na maaaring pasukin at ikutan ng mga fire truck sakaling magkaroon muli ng sunog.


Ang panawagang ito ay muling inilapit ng mga kinatawan ng mga Urban Poor NGOs matapos ang Misa ng Pasasalamat na pinangunahan ni Bishop Elias Ayuban ng Diocese of Cubao noong gabi ng Lunes, ika-9 ng Marso 2026. Iminungkahi nila ang pagdaraos ng Kalbaryo ng Maralitang Taga-Lungsod sa NIA Road—isang pagsasadula ng paglalakad tungo sa Kalbaryo ng ating Panginoong Hesukristo kasama ang mga nasunugan.


Sa totoo lang, ang sunog sa mga komunidad ng maralitang taga-lungsod ay tila naging napakadalas at halos karaniwang pangyayari na lamang. Kung naisulat ni Paring Bert ang tulang “Sanayan Lang ang Pagpatay” noong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte, maaaring maisulat din ang isang tula tungkol sa mga taga-NIA na may pamagat na “Sanayan Lang ang Masunugan.” At pagkatapos ng sunog ay tila may isa pang kasunod: sanayan lang ang pag-uusap—at pagkatapos ay wala ring nangyayari.

Ngunit huwag sana nating hayaang manaig ang pananaw na wala nang magbabago. Huwag nating tanggapin na wala nang kikilos upang baguhin ang kalagayan ng mga maralita.


Marahil ay maituturing ding himala kung, matapos ang napakaraming taon ng pangako, ay tuluyan nang kumilos ang pamahalaan—magtayo ng mga pabahay na pataas at makitang unti-unti nang lumilipat ang mga pamilya sa mas ligtas na tirahan sa NIA sa halip na muling lumikas tuwing may sakuna.


At kung mangyari iyon, may bago nang maikukuwento ang kasaysayan ng NIA Road: dati’y nangako ngunit walang nangyari; ngayon ay nangako—at sa wakas, nagsimula nang maitayo ang mga bagong tahanan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page