Hazing, mahigpit na ipnagbabawal ng batas
- BULGAR

- Aug 5
- 3 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 5, 2026

Dear Chief Acosta,
Ano ba ang hazing sa ilalim ng ating batas? Kung ito ay ipinagbabawal, maaari po bang gawing depensa sa kaso o akusasyon ng paglabag dito na may mabuting hangarin naman ang mga akusado? Kung pumayag naman po ang baguhan o neophyte sa hazing, maaapektuhan ba nito ang pananagutang kriminal ng mga nagsagawa ng hazing?
— Jerome
Dear Jerome,
Ang sagot sa iyong mga katanungan ay matatagpuan sa ating batas at sa mga kaugnay na desisyon ng Korte Suprema.
Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa Seksyon 2(a) ng Republic Act (R.A.) No. 11053, o mas kilala sa tawag na “Anti-Hazing Act of 2018,” ang mga sumusunod:
“(a) Hazing refers to any act that results in physical or psychological suffering, harm, or injury inflicted on a recruit, neophyte, applicant, or member as part of an initiation rite or practice made as a prerequisite for admission or a requirement for continuing membership in a fraternity, sorority, or organization including, but not limited to paddling, whipping, beating, branding, forced calisthenics, exposure to the weather, forced consumption of any food, liquor, beverage, drug or other substance, or any other brutal treatment or forced physical activity which is likely to adversely affect the physical and psychological health of such recruit, neophyte, applicant, or member. This shall also include any activity, intentionally made or otherwise, by one person alone or acting with others, that tends to humiliate or embarrass, degrade, abuse, or endanger, by requiring a recruit, neophyte, applicant, or member to do menial, silly, or foolish tasks.”
Hinggil sa nabanggit, ang hazing ay anumang gawain na nagdudulot ng pisikal o sikolohikal na pagdurusa, pinsala, o kapahamakan sa isang recruit, neophyte, aplikante, o miyembro bilang bahagi ng initiation rite o bilang kondisyon para matanggap o manatiling miyembro ng isang fraternity, sorority, o organisasyon. Kabilang dito ang pagpalo, paghagupit, pambubugbog, pagmarka sa katawan, sapilitang ehersisyo, pagbilad o pagpailalim sa masamang panahon, sapilitang pagpakain o pagppainom ng pagkain, alak, droga, o iba pang sangkap, gayundin ang anumang malupit na pagtrato o sapilitang pisikal na gawain na maaaring makasama sa pisikal o sikolohikal na kalusugan ng biktima. Saklaw rin nito ang anumang gawain, sinadya man o hindi, na ginawa ng isa o higit pang tao na naglalayong manghiya, magpahiya, magpababa ng dignidad, mang-abuso, o maglagay sa panganib sa isang recruit, neophyte, aplikante, o miyembro, kabilang ang pagpagawa ng mababa, katawa-tawa, o hangal na gawain.
Kaugnay naman ng iyong katanungan kung ang mabuting hangarin ay maaaring maging depensa ng sinumang responsable sa hazing, ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong Dungo vs. People (G.R. No. 209464, July 1, 2015), sa panulat ni Hon. Associate Justice Jose C. Mendoza, na hindi maaaring gawing depensa ang mabuting hangarin (good faith):
“Accordingly, the existence of criminal intent is immaterial in the crime of hazing. Also, the defense of good faith cannot be raised in its prosecution. Xxx The study of the provisions of R.A. No. 8049 shows that, on paper, it is complete and robust in penalizing the crime of hazing. It was made malum prohibitum to discount criminal intent and disallow the defense of good faith.”
Bilang panghuli, nakasaad naman sa Seksyon 12 ng Anti-Hazing Act of 2018 ang mga sumusunod:
“Sec. 12. Nullity of Waiver and Consent. - Any form of approval, consent, or agreement, whether written or otherwise, or of an express waiver of the right to object to the initiation rite or proceeding which consists of hazing, as defined in this Act, made by a recruit, neophyte, or applicant prior to an initiation rite that involves inflicting physical or psychological suffering, harm, or injury, shall be void and without any binding effect on the parties.
The defense that the recruit, neophyte, or applicant consented to being subjected to hazing shall not be available to persons prosecuted under this Act."
Samakatuwid, sa ilalim ng batas, hindi maaaring gawing depensa ang mabuting hangarin sa kasong hazing sapagkat ito ay itinuturing na malum prohibitum, kung saan hindi mahalaga ang masamang layunin o criminal intent kung ang mismong ipinagbabawal na gawain ay naisagawa. Gayundin, ang anumang pahintulot, kasunduan, pag-apruba, o waiver ng recruit, neophyte, o aplikante bago sumailalim sa initiation rite ay walang bisa at walang epekto sa batas. Kaya kahit pa sabihing pumayag ang neophyte o baguhan, hindi nito inaalis o binabawasan ang pananagutang kriminal ng mga taong gumawa, nagplano, lumahok, o may pananagutan sa hazing ayon sa batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments