Hamon kay Sec. Gibo: Pulitikong supporters ng China, pangalanan
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 27, 2026

PARA HINDI ISIPIN NG PUBLIKO NA NAGMA-MARITES LANG SI SEC. TEODORO, DAPAT PANGALANAN NIYA ANG MGA POLITICIANS NA SUPPORTERS NG CHINA – Sa pagdinig sa Kamara, sinabi ni Defense Sec. Gilbert Teodoro na may ilang pulitiko raw sa bansa na sumusuporta sa China sa pag-angkin nito sa West Philippine Sea (WPS).
Mabigat ang pahayag na iyan ni Sec. Teodoro, kaya dapat niyang pangalanan ang mga pulitikong sinasabi niyang sumusuporta sa China upang hindi isipin ng publiko na “marites” lamang ang sinabi niyang ito. Period!
XXX
OVP ASST. CHIEF OF STAFF ORTONIO, LAGOT KAY VP SARA – Kung nagawa ni Office of the Vice President (OVP) Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta na ipagtanggol sa impeachment trial ang kanyang among si Vice President Sara Duterte nang sabihin niyang walang ninakaw na confidential funds ang bise presidente, ipinahamak naman ni OVP Asst. Chief of Staff Lemuel Ortonio ang vice president.
Sa kada tanong kasi ni private prosecutor Atty. Mae Divinagracia na nagdidiin kay VP Sara patungkol sa anomalya sa confidential funds ng OVP at Department of Education (DepEd), “yes nang yes” ang tugon nito. Dahil diyan, natanim tuloy sa isipan ng publiko na totoo ang alegasyon ng House Prosecutors Panel na may katiwaliang ginawa ang vice president sa kaban ng bayan.
Dahil sa mga sablay na tugon ni Ortonio sa mga tanong sa kanya ni Atty. Divinagracia, lagot siya kay VP Sara. Boom!
XXX
PARA HINDI MA-BAN ANG FB SA ‘PINAS, DAPAT STOP NA ANG MGA VLOGGER SA PAGPO-POST NG FAKE NEWS, AT STOP NA RIN SA PAGPO-POST ANG MGA KABATAAN NG KARAHASAN – Nagbabala ang Marcos administration na iba-ban ang Facebook sa Pilipinas kung patuloy na lalaganap ang fake news at karahasan na ipo-post sa social media na ito.
Kaya, para hindi ma-ban ang Facebook sa ‘Pinas, dapat tantanan na ng mga vloggers ang pagpo-post ng fake news at dapat lubayan na rin ng mga kabataan ang pagpo-post ng karahasan sa FB. Period!
XXX
INCUMBENT BRGY. OFFICIALS, ‘WAG MAGPAKAMPANTE NA 'NO ELECTION' SA NOV. 2026 – Matapos pumasa sa Kamara, naipasa na rin sa Senado ang pagpapaliban sa nakatakdang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2026, at sa halip ay sa Nobyembre 2028 na ito idaraos.
Naku, eh huwag magpakampante diyan ang mga incumbent barangay officials kasi kahit aprubahan iyan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), kapag kinontra iyan ng Supreme Court (SC), tuloy ang BSKE sa Nobyembre 2026. Boom!





Comments