Guro, estudyante at piling indibidwal, pinarangalan dahil sa kontribusyon sa edukasyon
- BULGAR

- Dec 28, 2025
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | December 28, 2025

Sa lahat ng problema na ating kinaharap at nalagpasan, gaya ng tuluy-tuloy na taas presyo, mababang pasahod, at mabagal na serbisyo. May mga kuwento pa ring nagpapaalala na may mga Pinoy pa rin na hindi sumusuko.
Hindi sila trending, hindi viral, at hindi rin madalas bukambibig ng karamihan. Ngunit araw-araw, tahimik nilang pinapasan ang kinabukasan ng bayan sa loob ng silid-aralan at komunidad.
Ito ang diwa ng DepEd Heroes Awards na pinangunahan ng Department of Education (DepEd) kamakailan.
Hindi lang parangal ang iginawad, kundi pagkilala sa mga ordinaryong mamamayan na gumagawa ng ekstraordinaryong sakripisyo para sa edukasyon.
Pitong guro, anim na mag-aaral, at tatlong pribadong indibidwal ang pinarangalan dahil sa kanilang dedikasyon na nagdulot ng positibong epekto sa mga pampublikong paaralan at komunidad sa buong bansa.
Ayon sa isang kalihim ng DepEd, ang kanilang mga gawain ay may “ripple effect” na patuloy na umaabot sa mas maraming buhay, lampas pa sa loob ng paaralan.
May mga gurong kailangang bumiyahe ng ilang oras sa maputik at bahaing daan para lamang makapasok sa klase. May mga hindi iniinda ang karamdaman at patuloy na nagtuturo kahit sumasailalim sa gamutan. May mga kabataang nagpakita ng tapang sa gitna ng lindol at bagyo upang iligtas ang kanilang mga kaklase. At may mga magulang at pribadong indibidwal na boluntaryong tumulong, mula sa storytelling programs hanggang sa libreng serbisyong legal para makakuha ng lupa at makapagtayo ng silid-aralan ang mga pampublikong paaralan.
Ang mga kuwentong ito ay talaga namang maganda pakinggan.
Ito ang repleksyon ng araw-araw na pakikibaka ng karaniwang Pilipino, na may mga guro na hindi sumusuko kahit kulang ang kagamitan, mga estudyanteng inuuna ang kapwa kaysa sarili, at ang mamamayang handang magbahagi ng oras at kakayahan para sa mas malaking layunin. Sa gitna ng kakulangan ng sistema, ang malasakit ang nagsisilbing tulay upang magpatuloy sa pagkatuto at para sa magandang kinabukasan.
Ang DepEd Heroes Awards ay hindi lang selebrasyon ng tagumpay, kundi paalala ng responsibilidad. Responsibilidad ng pamahalaan na suportahan ang mga ganitong bayani, at responsibilidad din ng lipunan na pahalagahan ang edukasyon bilang pundasyon ng pagbabago. Kung may pag-asang mananatiling matatag ang bansa, ito ay dahil sa mga taong patuloy na nagtuturo, nag-aaruga, at naglilingkod ng buong-buo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments