top of page
BIDA - CLAUDIA, PINAPAPALITAN NG BARRETTO ANG APELYIDO-IG _claudia & _dennisastig.jpg

Gulo sa pulitika, dagdag-pahirap sa bayan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 15
  • 3 min read

ani Judith Sto. Domingo @Asintado | May 15, 2026



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Habang iniinda ng mga Pilipino ang mga epekto sa bansa ng sigalot sa Gitnang Silangan, agaw-atensyon naman ang mga kaganapan sa Mababa at Mataas na Kapulungan. 


​Aba'y tila walang krisis sa buhay ng bawat mamamayan sa tindi ng pulitikang pinagkakaabalahang isulong ng mga nasa Lehislatura at Ehekutibo. 


​Hindi ito ordinaryong panahon para sa taumbayan. Kailangang-kailangan nila ng agarang tulong. Sa halip na mapagtuunan sila ng pinakamatinding atensyon ng gobyerno at sa kanila maibuhos ang pondo ay ginawaran sila ng mga maiinit na eksenang napapanood sa telebisyon at social media platforms.


​Magkakasalungat na interpretasyon ng batas ang nasa gitna ng kasalimuotang nagaganap sa Senado. Isa lamang naman raw ang hinihingi ng bagong upong Senate President na si Alan Peter Cayetano: na manggaling sa lokal na korte ang arrest warrant laban kay Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa upang ito ay mabigyang daang isilbi sa dating PNP Chief sa loob ng Senado kung saan ito nagkakanlong. 


​Bilang isa ring nag-aral ng International Law kahanay ng sarili nating batas, isa tayo sa naniniwalang hindi dapat hayaang maliitin ang mga batas ng Pilipinas at kinakailangan ang bisa ng lokal na korte para mag-isyu ng kaukulang arrest warrant sa naturang sitwasyon. 


​Ano ba naman kung gawin na lamang iyan ng Ehekutibo na napakadali naman para sa kanila sa ngalan ng kaayusan at kapayapaan ng bansa. Hayaan ninyong dumaan sa lokal na korte ang paghahain niyan at siya ninyong isilbi sa inyong aarestuhin. Para matigil na ang lahat ng kasalimuotan na lalo lamang nagpapahirap sa abang mga Pilipino. Ayusin ninyo ang proseso at huwag ninyong hayaang malunod sa gulo ang bansang ito. 


​Wala tayong kinakampihan, kundi ang pinakamataas na ikabubuti ng taumbayan. Ang kapakanan nila ang dapat laging isaisip at paglingkuran, at iyan ang gagabay sa pamahalaan sa paggawa ng nararapat. 


​*


​Samantala, para hindi naman nakakatuliro't nakakaunsiyami na lamang lagi ang ating tinatalakay, gawin nating balanse at talakayin rin ang mga kaaya-ayang pangyayari na makapagbibigay ng kagaanan sa ating diwa. Hayaan ninyong ikuwento ko kahit maikli ang mga ito upang madilig nito ang inyong pag-asa at magabayan kayo sa pagkamit ng mga benepisyo.


​Bilang isang "Makatizen" o residente at botante ng Makati City, natutuwa ang inyong lingkod na nabigyan tayo ng libreng mga bakuna kamakailan para sa Shingles at Pneumonia. Dalawang dose o turok ng Shingles vaccine ang ibinigay sa atin nang dalawang buwan ang pagitan, na kung sa pribadong klinika i-aavail ay nagkakahalaga ng P16,000-18,000, samantalang ang Pneumonia vaccine naman ay nagkakahalaga sa labas ng P4,000-5000.


​Nagpapasalamat tayo sa Makati Health Department at sa satellite office nito sa Barangay Pio del Pilar, kung saan tayo nilapatan ng mga bakuna. Salamat sa mga staff ng Pio del Pilar Health Center, kasama na ang nagbakuna sa atin na si Grace Casidsid. 

​At gaya na nang aking nauna nang ikinwento, lagi rin tayong kumukonsulta sa mga doktor sa Makati tulad nina Dr. Joy D. Agoot, Dr. Louella Patricia D. Carpio, at Dr. Edgardo Babao Tan Jr. ng Makati Life Medical Center. Regular ring nagpapakuha ng dugo sa nasabing ospital nang libre, bilang isang Makatizen. 


​Isa lamang ang mga iyan sa mga benepisyong natatamo ng mga Makatizen. Naalala ko tuloy noong residente pa ako ng isang kalapit na LGU, wala akong tinanggap na benepisyo kahit ano. Salamat na lamang at may matatanaw ka palang pag-asa kapag ikaw ay naninirahan sa isang LGU na may maaasahang sistema tulad ng Makati City. 

​Kaya mga tagasubaybay, paghanapan ninyo rin ng tamang paglilingkod at sapat na benepisyo ang inyong LGU. Huwag pumayag sa wala at nganga. 



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page