Guarantee letters, gagawin ng digital ang proseso
- BULGAR

- 5 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | February 19, 2026

Sumasabay sa bilis ng panahon ang plano ng pamahalaan na i-digitalize ang issuance ng guarantee letters, isang hakbang na naglalayong gawing mas madali at makatao ang paglapit ng taumbayan sa serbisyong para sa kanila.
Sa panahon na bawat minuto ay mahalaga, lalo na sa gitna ng krisis sa kalusugan at kabuhayan, malaking tulong ang pagbabawas ng pila at papeles. Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), isinusulong ang automated system para sa issuance ng guarantee letters sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawing mas accessible at convenient ang serbisyong-gobyerno, upang hindi na kailangang pumila ang mga benepisyaryo para lamang makatanggap ng tulong.
Sa pamamagitan ng automated client system, ang guarantee letter ay direktang ipapadala sa service provider, partikular sa mga ospital at funeral services.
Kasulukuyan pang pinapahusay ang digital system, at inaasahang matatapos ang unang yugto nito sa loob ng unang semestre ng taon. Ang unang phase ay nakatuon sa guarantee letters, na kritikal sa pag-cover ng medical at burial expenses ng mga kwalipikadong benepisyaryo. Matatandaang pansamantalang sinuspinde ang pag-isyu ng GL noong Nobyembre dahil sa year-end financial closing, ngunit muling ipinagpatuloy noong Enero 5.
Hindi lamang ito usapin ng teknolohiya—isa rin itong pagsubok sa kakayahan ng gobyerno na iangkop ang mga programa sa tunay na kalagayan ng mamamayan. Ang digitalization ay nag-aalis ng stress, gastos sa pamasahe, at oras na kadalasang nauubos sa pagproseso ng mga kinakailangang papeles.
Ang planong ito ng DSWD ay dapat ituring na simula ng pagbabago. Kailangang tiyakin na ang sistema ay inclusive, madaling gamitin, at may sapat na gabay, lalo na para sa mga walang access sa internet. Ang tunay na sukatan ng digital na serbisyo ay hindi kung gaano ito ka-moderno, kundi kung gaano karaming buhay ang gumagaan dahil dito. Kapag ang teknolohiya ay naging tulay ng malasakit, doon lamang masasabi na ang gobyerno ay tunay na nakasabay sa bilis ng panahon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments