Grace Poe at Zaldy Co, ‘pag inisnab ang komite ni Cong. Ridon, ibig sabihin ‘kasabwat’ sila sa singitan ng pork barrel sa 2025 Budget
- BULGAR

- Sep 15, 2025
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 15, 2025

TAMA ANG DESISYON NI SEC. DIZON NA PAG-BLACKLIST SA LAHAT NG KUMPANYA NG MAG-ASAWANG DISCAYA, DAHIL CONSTRUCTION FIRMS NITO MAITUTURING NA MGA SINDIKATO -- Tama ang naging desisyon ni Sec. Vince Dizon ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH) na ipa-blacklist ang siyam na construction firms na may koneksyon sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya dahil ang mga kumpanyang ito ng pamilya Discaya ay maituturing na sindikatong nang-i-scam sa kaban ng bayan.
Sa imbestigasyon kasi ng Senate Blue Ribbon Committee at House Infra Committee ay lumabas na ang siyam na construction firms ng mag-asawang Discaya ay sabayang lumalahok sa bidding ng mga flood control project ng DPWH para matiyak na sa kanila mapupunta ang kontrata, at kapag nabayaran na, saka sila titirada ng mga substandard at ghost projects.
Sa raket na iyan ng mag-asawang Discaya ay malinaw na sinindikato nila ang gobyerno kaya’t dapat talaga silang makulong ng habambuhay at bawiin ng pamahalaan ang lahat ng ‘in-scam’ nila sa kaban ng bayan, period!
XXX
INILAGAY NG MAG-ASAWANG DISCAYA SA KAPAHAMAKAN ANG ANAK NILA NA TINAYUAN NILA NG CONSTRUCTION FIRM AT PINAGPANGGAP NA KONTRAKTOR DAHIL MALAMANG SUMABIT ITO SA KASONG PLUNDER -- Ang siyam na construction firms ng mag-asawang Discaya ay ipinangalan nila sa kanilang mga kamag-anak at empleyado, at ang isa sa mga kumpanyang kanilang itinayo, ang Way Maker General Contractor OPC ay ang inilagay nilang nagmamay-ari nito, ang panganay nilang anak na si Gerrald William Francisco C. Discaya.
Itong Waymaker General Contractor OPC ay base sa data ng DPWH ay nakakopo ng 11 flood control projects worth P220 million, at ang halagang ito ay pasok na pasok sa kasong plunder kapag napatunayan sa imbestigasyon na may mga anomalyang ginawa sa proyekto ang construction firm na ito na ipinangalan ng mag-asawang Discaya sa eldest nilang anak.
Ang nais nating ipunto rito, sa ‘pagkagahaman’ ng mag-asawang Discaya sa pera ng bayan, pati kanilang anak na pinagpanggap nilang kontraktor ay inilagay nila sa kapahamakan dahil malaki ang posibilidad na makasama rin nila ito sa kulungan, boom!
XXX
LAHAT NG MGA SENADOR AT KONGRESISTANG MIYEMBRO NG BICAM COMMITTEE SA PANAHON NG DUTERTE AT MARCOS ADMIN DAPAT IMBESTIGAHAN NG ICI -- Ang insertions o singitan ng pork barrel projects, tulad ng flood control projects sa national budget ay nagaganap sa closed-door Bicameral Conference Committee, at ang mga kasapi nito ay Senate President, chairperson ng Senate Committee on Appropriations, House Speaker, chairperson ng House Committee on Appropriations, walong senador at 16 na kongresista.
Hindi naman lahat ng miyembro ng Bicam Committee ay nagsisingit ng "pork" sa budget, meron lang talaga na mga ‘walanghiya’, magsisingit na sila ng sarili nilang "pork," tapos iyong ipinakiusap na "pork" ng mga sen. at cong. na hindi miyembro ng komiteng ito ay isisingit din nila.
Sa binuo ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na Independent Commission for Infrastructure (ICI) na mag-iimbestiga sa flood control projects scam, dapat ang lahat ng mga naging miyembro ng Bicam Committee mula year 2016 onwards o sa panahon ng Duterte administration at Marcos administration ay imbestigahan para mahubaran ng maskara ang mga "kapalmuks" na mga senador at kongresista na nagsisingit ng pork barrel sa yearly national budget, period!
XXX
KUNG IISNABIN NINA GRACE POE AT ZALDY CO ANG PATAWAG SA KANILA NG KOMITE NI CONG. RIDON, IISIPIN NG PUBLIKO NA ‘KASABWAT’ SILA SA SINGITAN NG PORK BARREL SA 2025 NATIONAL BUDGET -- Kabilang sa pinadadalo ni Bicol Saro Partylist Rep. Teddy Ridon, chairperson ng House Infra Committee ay sina former Sen. Grace Poe, dating chairperson ng Senate Committee on Appropriations at Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, dating chairperson ng House Committee on Appropriations para tanungin sa sangkatutak na flood control projects na naisingit sa 2025 national budget.
Kapag inisnab nina Grace Poe at Zaldy Co ang patawag sa kanila ni Cong. Ridon, isa lang ibig sabihin n’yan, ‘kasabwat’ sila sa sangkatutak na singitan ng flood control projects sa 2025 national budget, boom!







Comments