Gobyerno at taumbayan, dapat joint forces vs. epalitiko
- BULGAR

- Feb 22
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | February 22, 2026

Dapat ay maging aktibong kalahok ang mamamayan sa pagpapatupad ng batas laban sa mga epal na pulitiko. Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), ang bisa ng Anti-Epal Policy ay nakasalalay hindi lamang sa gobyerno kundi pati na rin sa pagbabantay at pakikiisa ng publiko, dahil pondo ng taumbayan ang pinag-uusapan.
Bago pa man ganap na naipatupad ang polisiya, iginiit ng isang opisyal na mahalagang maging mapagmatyag ang mamamayan at gamitin ang tamang mekanismo ng pagrereklamo, mula sa Office of the Ombudsman hanggang sa mas mataas na sanggunian. Hindi ito simpleng proseso; ito ay paninindigan upang matiyak na ang kaban ng bayan ay napupunta sa serbisyo publiko, at hindi sa personal na promosyon ng pulitiko.
Iniulat ng DILG na may mga lokal na opisyal na nagpakita ng pagsunod at suporta, mula sa gobernador hanggang sa 48 alkalde sa isang lalawigan. Ang ganitong pagkakaisa ay mahalaga upang maging pare-pareho ang pamantayan at maiwasan ang palusot sa implementasyon. Ayon sa Provincial General Services Office (PGSO), mahigpit ang pagsunod sa pamantayan ng Commission on Audit, kabilang ang pagtanggal ng lumang marker, slogan, at larawan ng opisyal sa mga proyekto at sasakyan ng gobyerno na maaaring lumabag sa patakaran.
Mahalaga rin ang papel ng komunidad. Ang pakikilahok sa pagmomonitor at pag-uulat ng paglabag ay pagkilala na ang mabuting pamamahala ay hindi one-way street. Kapag tahimik ang taumbayan, lumalakas ang kultura ng mga epal; kapag alerto ang mamamayan, napipigilan ang pag-abuso.
Ang Anti-Epal Policy ay sukatan ng maturity ng ating demokrasya. Hindi sapat ang pagbura ng pangalan sa tarpaulin; ang mahalaga ay ang pagbura ng kultura ng pansariling pagpapabango gamit ang pondo ng bayan. Kapag ang mamamayan ay katuwang at hindi tagamasid lamang, nagiging malinaw ang hangganan ng kapangyarihan at tumitibay ang tiwala sa pamahalaan. Dito nagsisimula ang tunay na reporma—sa pagkilos ng lahat para sa tama.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments