Gilas U16, inilampaso ang Kuwait sa Doha FIBA Asia
- BULGAR
- Jun 15, 2022
- 2 min read
ni MC / VA - @Sports | June 15, 2022

Inilampaso ng Gilas Pilipinas Youth ang koponan ng Kuwait, 82-45 kahapon sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa FIBA Asia Under-16 Championships sa Gharafa Sports Club Multi-Purpose Hall sa Doha. Maagang kumalas ang mga kabataang Pinoy at agad lumamang ng double-digit sa unang apat na minuto ng laro,14-4, na umabot pa sa 25-9 sa pagtatapos ng first quarter hanggang lumobo ng 38 puntos sa katapusan ng laro.
Namuno paŕa sa mga kabataang Pinoy ang 6-foot-6 center na sì Zain Mahmood na nagtala 16 puntos at 5 rebounds na sinundan ni team captain Jared Bahay na may 12 puntos, 8 rebounds at 6 na assists. Sunod nilang kakalabanin kagabi rin ganap ng alas-8:45 para sa ikalawang laro nila sa Group C ang koponan ng Japan na nanaig din sa Kuwait noong Linggo,98-33.
Ang mga mangungunang koponan sa apat na grupo ay uusad sa quarterfinals habang magtutuos sa knockout round ang mga second at third-placed teams upang alamin ang apat pang quarterfinalists. Lahat ng magiging semifinalists ay magku-qualify na sa FIBA Under-17 World Cup sa Hulyo.
Idinagdag si University of the Philippines coach Goldwin Monteverde sa mga deputy coaches ng Gilas Pilipinas para sa July window ng 2023 FIBA World Cup qualifiers.
Kinuha si Monteverde para umasiste kay head coach Nenad Vucinic sa darating na qualifiers.
Ginabayan ni Monteverde ang UP Fighting Maroons sa pag-upset sa dating kampeong Ateneo Blue Eagles sa katatapos na UAAP Season 84 men's basketball finals upang tapusin ang kanilang 36-year title drought.
Dalawang miyembro ng UP champion team sa katauhan nina Carl Tamayo at Ricci Rivero, ang kabilang sa Gilas pool para sa darating na qualifiers.





Comments