“Generic name” ng gamot, dapat nakalagay sa reseta ng doktor
- BULGAR

- Dec 24, 2020
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 24, 2020
Dear Chief Acosta,
May mandato ba sa mga doktor na dapat nakalagay ang “generic name” ng mga gamot na isinusulat sa kanilang prescription? Mayroon kasi akong personal na karanasan kung saan nagulat ako nang malaman ko, makaraang manggaling sa botika, na ibang brand pala ng gamot ang aking nabili, taliwas sa aking nakasanayan. Nang aking mapagtanto ang dahilan, hindi pala kasalanan ng nagbebenta sa botika, bagkus ay gawa pala ng prescription na ang nakasaad ay ang “generic name.” – Mel
Dear Mel,
Ang sagot sa inyong katanungan ay opo. Para sa inyong kaalaman, nakasaad sa Seksiyon 6 ng Republic Act No. 6675, o mas kilala sa tawag na “Generics Act of 1988,” na ang mga medical practitioners, tulad ng mga doktor ay may mandato na isulat sa mga prescription ang generic name at ang partikular na brand ng gamot kung ninanais, viz:
“Section 6. Who Shall Use Generic Terminology - (a) All government health agencies and their personnel as well as other government agencies shall use generic terminology or generic names in all transactions related to purchasing, prescribing, dispensing and administering of drugs and medicines.
(b) All medical, dental and veterinary practitioners, including private practitioners, shall write prescriptions using the generic name. The brand name may be included if so desired.
xxx xxx xxx.”Alinsunod sa mga nabanggit, walang paglabag at sa halip ay pagsunod sa batas ang ginawa ng inyong naging doktor nang kanyang isinulat ang generic name ng gamot. Bagama’t ito ay taliwas sa inyong nakasanayan ay hindi naman ito maaaring maituring na paglabag sa pawang kadahilan lamang na hindi niya nailagay ang partikular na brand name ng inyo palang ninanais. Ito ay dahil sa ang pagsulat ng partikular na brand name sa prescription ng gamot ay hindi sapilitan, ayon sa sinasabi ng batas, hangga’t nakasaad ang generic name.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments