Gatchalian bloc, binabalaang hindi uubra ang 30 testigo kung hindi makakumpleto ng 16 senador
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 16, 2026

MAKUPAD ANG AKSYON NI PBBM KASI NOONG JUNE 8 PA NILINDOL ANG SARANGANI, KAHAPON LANG SIYA BUMISITA SA PROBINSYANG ITO — Isa ang Sarangani sa mga lalawigang labis na naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao noong Hunyo 8, 2026, ngunit kahapon lamang, Hunyo 15, bumisita rito si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM).
Mantakin n’yo, walong araw pa ang lumipas bago personal na inalam ng Pangulo ang kalagayan ng mga biktima ng lindol sa nasabing lalawigan. Para sa mga kritiko, isa na naman itong patunay ng mabagal na pagtugon ng administrasyon sa panahon ng sakuna. Boom!
XXX
BALEWALA ANG 30 TESTIGO NG HOUSE PROSECUTOR'S PANEL KASI HINDI NAMAN MAKAKAKUHA NG 16 VOTES ANG GATCHALIAN BLOC PARA I-IMPEACH SI VP SARA — Ibinida ng House Prosecutor's Panel sa pamumuno ni Batangas 2nd District Rep. Jinky Luistro na mayroon umano silang 30 testigo na ihaharap sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa totoo lang, kahit iharap pa ng grupo ni Luistro ang 30 testigong iyan, kung hindi naman nila makukuha ang kinakailangang bilang ng boto sa Senado para mahatulan si VP Sara, mauuwi rin ito sa kanyang pag-absuwelto. Kapag nangyari iyon, mananatili siyang Bise Presidente at, sa dami ng kanyang mga tagasuporta, posible pa ring maging malakas siyang kandidato sa pagkapangulo sa 2028. Abangan!
XXX
MAHUSAY NA PAGLILINGKOD NI BULACAN VICE GOV. ALEX CASTRO, NASUKLIAN NG MARAMING AWARDS — Ang mahusay na paglilingkod ni Vice Gov. Alex Castro sa Bulacan ay nasuklian ng sunud-sunod na parangal.
Ginawaran siya ng Lifetime Achievement Award for Most Outstanding Vice Governor ng Parangal ng Natatanging Filipino Awards. Bukod dito, nakamit din niya ang Lifetime Achievement Award for Distinguished Public Leadership at ang Icon of Leadership Distinction Award.
Sana ay mas marami pang public officials ang tularan ang ipinakitang serbisyo ni VG Alex Castro para makatanggap din ng ganitong pagkilala. Palakpakan naman d’yan!
XXX
MAG-ASAWANG DISCAYA HINDI LANG SA FLOOD CONTROL PROJECT NANGRARAKET, KUNDI PATI SA BYPASS ROAD PROJECT — Nabulgar na ang nakuhang kontrata sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya noong 2016 para sa 13-kilometrong Alaminos–San Pablo City Bypass Road sa Laguna na nagkakahalaga ng P2 bilyon, ngunit hanggang ngayon ay nakatengga pa rin matapos ang halos isang dekada.
Kung ganoon, hindi lang pala pondo para sa flood control projects ang iniuugnay sa mag-asawang Discaya, kundi maging ang pondo para sa bypass road na ito. Mga buset!





Comments