Gamitin nang tama ang pondo para sa mga apektado ng baha
- BULGAR

- 2 hours ago
- 4 min read
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 4, 2026

Patuloy po nating ipinagdarasal ang milyun-milyong mga kapwa nating Pilipino na lubos na pinahihirapan ng malawakang pagbaha. Dasal ko po na makabalik na sa normal ang buhay ng mga Pilipino.
Nitong mga nakaraang araw, personal nating pinuntahan ang mga lugar na lubog pa rin sa baha para kumustahin ang ating mga kababayan. Lagi kong sinasabi na baha, bagyo, o anumang kalamidad ay pupuntahan ko basta’t kaya ng aking katawan at oras para maghatid ng kaunting tulong sa abot ng aking makakaya. Kaya bukod sa mga trabaho sa Senado, hindi ko rin matiis na nasa opisina lang habang maraming kababayan natin ang nangangailangan ng tulong.
Noong August 27, matapos ang halos dalawang oras na pagbiyahe sa mga kalsadang lubog sa baha, dumaan tayo sa mga bayan ng Macabebe, Apalit, at San Simon kung saan personal nating nakita kung gaano kalalim ang baha. Doon, nagbigay rin tayo ng tulong sa mga residenteng nakita nating patuloy na nagsisikap na maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan sa kabila ng kanilang sitwasyon. Pagkatapos nito, nakarating tayo sa Masantol, Pampanga, kung saan tinulungan natin ang 750 biktima sa pakikipag-ugnayan kay Mayor Dan Guintu. Sabi ko nga, hindi ko na malaman kung alin ang kalsada at alin ang dagat habang binabagtas ang daan sa mga nabahang bayan sa Pampanga dahil sa taas ng tubig.
Bumisita at nagbigay-tulong din tayo sa mga pamilyang naapektuhan ng baha dulot ng habagat sa Brgy. Tatalon, Quezon City nitong August 31. Kasama ang aking Malasakit Team, naging katuwang natin sa pagtulong sina Congressman Bong Suntay, Brgy. Captain Emmanuel del Mundo at iba pang lokal na opisyal.
Pagkatapos ay dumiretso tayo sa Calumpit, Bulacan na kahit matindi ang pagbaha, sumuong tayo at naghatid ng tulong sa humigit-kumulang na 400 residente mula sa Brgy. Sapang Bayan.
Kuwento naman ng ilang residenteng nakasalubong ko mula sa Brgy. Pio Cruzcosa, halos isang buwan na raw ang baha sa kanilang lugar. Kaya naman, bukod sa ilang naipamahaging grocery packs sa kanila, binalikan ng ating Malasakit Team ang mga residente para magpaabot ng dagdag na 1,000 grocery packs.
Patuloy ang ating panawagan sa national government na puntahan ang mga lugar na tinamaan ng kalamidad para malaman ang tunay na paghihirap ng ating mga kababayan. Nakikiusap din ako na unahing tulungan ang mga mahihirap.
Ang perang galing sa taumbayan ay dapat gamitin sa tama at para sa mga proyektong talagang kailangan ng mga komunidad, lalo na sa mga lugar na paulit-ulit na binabaha. Hindi dapat masayang ang pondo dahil sa korapsyon. Sa halip na gamitin sa ghost at palpak na flood control projects, maaari sanang magamit ang pondong ito sa mga evacuation centers, health centers, at iba pang serbisyong direktang makatutulong sa ating mga kababayan.
Bilang principal author at co-sponsor ng Republic Act No. 12076, o ang Ligtas Pinoy Centers Act, patuloy nating ipinapanawagan ang full implementation ng batas para sa pagtatayo ng mga permanenteng evacuation center. Patuloy nating isinusulong din ang Senate Bill No. 173, na naglalayong magtatag ng Department of Disaster Resilience upang mapalakas ang paghahanda, pagtugon at pagbangon ng bansa mula sa mga sakuna. Ipaglalaban din natin ang Senate Bill No. 669, o ang proposed Hazard Pay for Disaster Personnel Act, na layong mabigyan ng hazard pay ang disaster response personnel na ipinapadala sa mga lugar na may emergency at kalamidad.
Samantala, patuloy lang ang paghahatid natin ng iba pang serbisyo sa ating mga kapwa Pilipino. Noong August 24, personal nating tinulungan ang 221 biktima ng sunog sa Pasay City.
Noong August 28 naman, nagtungo tayo sa Muntinlupa City upang tulungan ang 103 biktima ng sunog sa kabila ng masamang panahon. Pagkatapos nito, bilang Chairperson ng Senate Committee on Sports, dumalo tayo sa Talionis Golf Tour Supremo Cup Awarding and Fellowship sa Dasmariñas City, Cavite, sa pakikipag-ugnayan kay Atty. Fred Lim.
Personal din tayong nakilahok kasama ang mga youth leader at mga advocate sa Gawad Bayani Kabataan National Leadership Summit & Awards noong Sabado, August 29. Hinikayat ko roon ang mga kabataang Pilipino na tingnan ang pamumuno bilang isang responsibilidad na nakabatay sa serbisyo, kakayahan, tapang, at malasakit.
Noong nakaraang mga araw, pinarangalan din tayo bilang Public Servant Awardee sa InCharge Magazine CEO Awards 2026. Tinanggap ng aking representative na si Gani Macatoman ang parangal, sa pakikipag-ugnayan kay InCharge Magazine President Grace Bondad Nicolas. May parangal man o wala, patuloy akong magseserbisyo sa ating mga kababayan.
Marami ring kababayan natin ang naapektuhan ng habagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang natulungan ng ating team, kabilang ang mga nasa Nampicuan, Nueva Ecija; Paombong, Guiguinto, at Malolos City sa Bulacan; Biñan City, Laguna; Minalin at Macabebe sa Pampanga; at Agno at Calasiao sa Pangasinan.
Bukod dito, may mga biktima rin ng sunog na natulungan natin mula sa Cagayan de Oro City, Davao City, gayundin sa Balingasag at Gingoog City sa probinsya ng Misamis Oriental.
Dumalo rin ang ating Malasakit Team, bilang kinatawan natin, sa turnover ng bagong Super Health Center sa Santa Catalina, Negros Occidental.
Bilang Mr. Malasakit, sisikapin kong manatiling bukas ang aking opisina sa mga hinaing at pangangailangan ng ating mga kababayan. Patuloy din nating isusulong ang pagpapatupad ng ating mga batas upang mapabuti ang kapakanan ng bawat Pilipino. Bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments