top of page
SHEET - CLAUDINE, NAPIKON NA TINAWAG NA BIPOLAR, MAGDEDEMANDA_FB Claudine Barretto.jpeg

Ligtas na paaralan, karapatan ng kabataan

Writer: BULGAR
BULGAR
32 minutes ago
2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 20, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nitong nakaraang linggo, isa na namang insidente ng karahasan ang naging laman ng mga balita: isang mag-aaral mula sa Macabalan Elementary School ang sinaksak ng kanyang kamag-aral na kapwa niya nasa Grade 6. Ayon sa mga ulat, bullying umano ang dahilan kung bakit nagawa ng suspek na saksakin ang kanyang kamag-aral.


Nakakabahala ito lalo na at sariwa pa sa ating mga alaala ang ilang insidente ng karahasan sa ating mga paaralan, kabilang na rito ang mga insidente ng pamamaril sa mga lungsod ng Tacloban at Zamboanga, gayundin sa bayan ng Banga sa South Cotabato. Sa pagkakataong ito, sa Cagayan de Oro naman nagkaroon ng insidente ng karahasan—sa mismong araw pa kung kailan nagwakas ang pagdiriwang ng National School Safety Week.


Matagal na nating hinaharap ang mga suliranin kaugnay ng bullying, ngunit lalong nakakabahala na may mga insidente ng bullying na nauuwi sa ganitong klase ng karahasan. Kasunod ng insidenteng ito, hinimok natin ang Department of Education (DepEd) na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan upang bigyang-tulong ang biktima at tiyaking may tamang intervention sa suspek na ngayon ay itinuturing na child in conflict with the law.


Batay sa mga huling ulat, hindi pa malinaw kung paano naipasok ng suspek ang patalim na ginamit niya sa biktima. Ayon sa punong barangay na may saklaw sa paaralan, maaaring nasa loob na ng paaralan ang patalim bago ito gamitin ng suspek. Dalawang metal detector naman ang ipinagkaloob sa paaralan upang makatulong sa pagpapatatag ng seguridad.


Binibigyang-diin ng pangyayaring ito ang pangangailangang paigtingin ang seguridad sa mga paaralan. Kaya naman, sa pagtalakay natin sa 2027 national budget, susuportahan ng inyong lingkod ang paglalaan ng pondo upang gawing mas ligtas ang ating mga paaralan.


Kabilang sa mga hinihiling na dagdag-pondo ng DepEd ang P8.18 bilyon para sa school safety and security, kabilang dito ang P4.55 bilyon para sa mahigit 15,000 na security guards, P2.13 bilyon para sa metal detectors at walk-through scanners, at P1.5 bilyon para sa mga perimeter fences o mga bakod. 


Humihiling din ang kagawaran ng P13.81 bilyon para sa pagpapatupad ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080). 


Sa pagbabalik-sesyon ng Kongreso sa susunod na buwan, nakatakdang talakayin sa plenaryo ang pondo ng DepEd at ng iba pang mga ahensiya. Makakaasa ang ating mga kababayan na pagsisikapan ng inyong lingkod na mailaan natin ang pondong kinakailangan upang tiyaking ligtas ang ating mga paaralan para sa ating mga mag-aaral, mga guro, at ating mga komunidad.





May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page