Gamit ang baril ng ama, nagbaril sa ulo... Grade 9 namaril sa iskul, 6 patay, 17 grabe

by Jeff Tumbado @News | September 19, 2026

Photo: LTO
Hindi bababa sa anim na estudyante ang nasawi at 17 iba pa ang nasugatan sa pamamaril sa isang paaralan sa Banga, South Cotabato noong Biyernes, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Sa updated na ulat, anim na mag-aaral ang kumpirmadong nasawi at 17 ang lubhang sugatan. Magpapatuloy ang koordinasyon ng DSWD sa LGU ng Banga at paaralan para sa kaukulang suporta sa mga bata at pamilyang biktima ng insidente,” nakasaad sa Facebook post ng DSWD.
Sinasabing nangyari ang pamamaril ala-1 ng hapon at isang 16-anyos na Grade 9 student ang namaril sa Banga National High School.
Bago mamaril, nagbabala muna umano ang shooter sa kanyang mga kaklase na umuwi na matapos mananghalian dahil may gagawin umano siya at baka madamay pa ang mga ito, ayon kay Banga, South Cotabato Mayor Albert Palencia.
Pagkatapos ng tanghalian, umalis umano ang estudyante sa kanilang classroom at nagpaputok na sa katabing classroom.
Nasawi rin ang Grade 9 matapos umanong magbaril sa ulo. Napag-alaman na pagmamay-ari ng kanyang ama ang ginamit na armas.
Nagpahayag naman ng matinding pag-aalala ang Department of Education (DepEd) sa nangyaring insidente.
“Our immediate priority is the safety and well-being of our learners, teachers, and school personnel. We are closely coordinating with the Schools Division Office, Regional Office, local authorities, and law enforcement to verify the circumstances and provide necessary assistance,” ayon sa pahayag ng DepEd.





Comments