Game na raw sa bagong BF para may kasama sa pagtanda… CHERRY PIE, KINUMPIRMANG ‘DI SILA NAGKABALIKAN NI EDU
- BULGAR

- Sep 19
- 2 min read
ni Nitz Miralles @Bida | September 19, 2025

Photo via Bulgar
Diretsahan at walang pag-aatubiling inamin kahapon ng magaling na aktres na si Cherry Pie Picache sa mediacon ng upcoming movie na The Last Beergin na single siya ngayon at always ready to fall in love again.
Kamakailan kasi ay may kumalat na picture nila ng ex-boyfriend na si Edu Manzano na muling magkasama, kaya may mga nag-akala na nagkabalikan na sila.
Pero sa tanong namin sa aktres na isa sa cast ng Cineko Productions at Obra Cinema movie na The Last Beergin sa Q&A sa mediacon kahapon, diretso ngang sinabi ni Ms. Pie na single siya ngayon at walang balikang naganap.
Although, inamin naman niyang totoong nagkita sila kamakailan ni Edu.
“After 2 yrs. and a half, ‘yun, nagkita uli kami. Okay naman, okay naman. We’re good friends. Or hindi lang siguro nagkaroon ng chance na magkita noon,” aniya kaya ngayon lang uli sila nakitang magkasama.
Nilinaw din niyang hindi sila nag-away ni Edu at maayos ang naging hiwalayan nila kaya nananatili silang magkaibigan.
Nagkakumustahan din daw sila ni Edu nang magkita pero wala siyang alam tungkol sa bagong nali-link sa kanyang ex-boyfriend.
Ang mahalaga raw, pareho silang happy para sa isa’t isa.
Inamin din ni Ms. Pie na nag-e-entertain naman siya ng bagong suitor pero hindi raw siya nakikipag-date ngayon dahil hindi siya mahilig sa exclusive dates. Mas gusto raw niya ‘yung group dates.
Hindi naman daw isinasara ni Ms. Pie ang kanyang puso dahil gusto rin niya na may kasama sa kanyang pagtanda.
When asked kung okay ba sa kanya ang mas batang boyfriend o ‘di kaya ay foreigner, ani Ms. Pie, “Hindi ako mahilig sa bata. Sana kaedad ko or older, ‘yung ganu’n.”
Dagdag nito, “Pinoy, hindi ako mahilig sa foreigner.”
At sa tanong namin kung ano’ng important lesson na natutunan niya sa naging relasyon nila ni Edu, pag-amin ni Ms. Pie, “I think I’m working on loving myself more. Being content with or without somebody, parang ganu’n. Kasi ‘yung happiness, dapat from within, ‘di ba, ‘yung single blessedness. Although it’s happier kung may kasama ka nga. Pero kung ano ‘yung gusto ng Diyos.”
Samantala, sobrang happy and proud si Cherry Pie sa bago nilang pelikulang The Last Beergin kung saan kasama niya sa cast sina JC Santos, Pepe Herrera, Zaijian Jaranilla at Xyriel Manabat na palabas na sa October 1 mula sa direksiyon ni Nuel Naval and written by Mel Del Rosario.
Trailer pa lang kasi ng movie ay may dating na. Tiyak na maraming taong may pinagdaraanan na hindi mailabas ang problema at mga hugot sa buhay kung hindi nakainom ng alak ang makaka-relate sa istorya ng The Last Beergin.
At kung gusto n’yong malaman kung bakit napakalakas ng sampal ng karakter ni Cherry Pie kay Xyriel sa isang eksena sa movie, sabay-sabay nating panoorin ang The Last Beergin sa Oct. 1 sa mga cinemas nationwide.












Comments