ni Nitz Miralles @Bida | Dec. 6, 2024
“Na-elbow” daw sina Maris Racal at Anthony Jennings sa mediacon ng 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na And The Breadwinner Is… (ATBI) na ginawa kahapon.
Ang ibig sabihin ng "na-elbow" ay hindi na sila isinama sa mediacon, wala ang photos nila sa inilabas na announcement.
Iniiwas lang sila ng Star Magic sa press na kahit anong pagpigil nila, tiyak na may makakalusot na tanong sa controversy na kinasasangkutan nila ngayon about sa cheating nila sa kani-kanilang ex-partner. Baka hindi na mapag-usapan ang pelikula at ma-focus sa isyu nina Maris at Anthony.
Sayang dahil sa past post nila, happy and proud silang maging part ng movie. Ngayon, pati sa socmed (social media), hindi na sila nag-a-update. Nananatili ring naka-off ang comment box ni Maris.
Si Anthony naman, limited ang puwedeng mag-comment sa comment box niya. In fairness to him, hindi niya dine-delete ang hate comments, kaya nababasa pa rin ang mga akusasyon, paninira at kung anu-ano pa.
Tinanong namin si Direk Richard Somes kung magkano ang nagastos ng Nathan Studios sa idinirehe niyang action-packed 2024 MMFF entry na Topakk. Hindi kami magugulat kung ilang milyon ang sagot ni Direk Richard, pero sabi nito, hindi pa nila alam dahil ongoing ang massive promo campaign ng movie.
In fact, lilipad ang cast sa pangunguna nina Cong. Arjo Atayde, Julia Montes at Sid Lucero sa key cities ng bansa to promote the movie. Nabanggit ni Direk Richard ang Cebu at Davao na kanilang pupuntahan. May promo campaign din sila sa Metro Manila at ramdam ang excitement ng tao dahil ngayon lang uli magkakaroon ng ganito kalaking Pinoy action film.
Ang lalaki ng mga eksena, ang daming cast at ang iba, isang araw lang ang eksena, pero masaya pa rin silang maging parte ng Topakk at proud na sabihing kasama sila sa cast.
Sa tanong tungkol sa MTRCB rating ng movie, ang sagot ng producer na si Sylvia Sanchez ay, “Dalawa ang ratings namin. Sa SM cinemas, R-16 kami, outside SM, R-18, pero hindi na-sacrifice ang story. Nasakripisyo lang ang putukan at mga dugo. Dahil need naming pumasok sa SM, kaya R-16 ang rating ng movie sa SM cinemas.”
Naikuwento naman ni Enchong Dee na may foreign journalist na gustong sambahin si Direk Richard dahil sa ganda ng Topakk.
May Facebook (FB) post si Sylvia na interview ng mga foreigners na nakapanood ng movie sa Cannes Film Festival at puring-puri nila ang pelikula.
Hindi lang daw acting ang amazing, pati ang action scenes.
“The way the guys deliver the action, these guys nailed it,” sabi ng isang nainterbyu.
IN his trademark na bulaklaking polo nang humarap si Cong. Lito Atienza sa press para ipaalam na muli siyang tatakbo sa 2025 midterm elections.
Sa ilalim pa rin ng Buhay Partylist siya tatakbo. Siya ang first nominee at ang kasama niya sa presscon na si Carlos Sario ang third nominee.
Devoted Catholic si Cong. Atienza kaya ang pangako niya, haharangan niya o ng
kanyang kapartido ang pagpasa sa divorce at abortion law na tinawag niyang anti-life and anti-family bills.
Natutuwa ito at maraming Pilipino ang sumusuporta sa kanila.
Aminado si Atienza na hindi na niya kaya ang trabaho kaya hindi na siya muling tumakbong mayor ng Manila. Wala siyang binanggit na kanyang susuportahan sa mga mayoralty candidates sa Manila, pero aniya, malakas sa tao si Isko Moreno.
May kumakandidatong pinayuhan niya dati, kaso hindi sinunod ang payo niya kaya hindi nanalo sa posisyong tinakbuhan.
Going back sa pinausong bulaklaking polo ni Atienza, natutuwa ito na marami nang kalalakihan ang nagsusuot ng tulad sa kanya. Natutuwa rin ito na kapag may nakakitang bulaklaking polo ang suot, ang nasa isip agad ay Maynila o “Lito Atienza.”
Ang huling alam ni Atienza, may dalawang malalaking baul siya ng bulaklaking polo, matagal na ‘yun at nadagdagan pa. Posibleng may limang malalaking baul na siya ng favorite polo niya.