top of page

Flood control scandal, matagal nang isyu pero ngayon pa lang kikilos ang Ombudsman, tsk!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 16, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TAOB ANG MALE-MALETANG PERA NA KICKBACK SA FLOOD CONTROL PROJECTS NA IBINULGAR NG 18 EX-MARINES SA IBINULGAR NI MADRIAGA – Isa sa mainit na pinag-uusapan ngayon ng publiko ang alegasyong sa loob lamang ng 24 oras ay naideliber umano ni Ramil Madriaga ang ₱125 milyon na confidential funds ni Vice President Sara Duterte, na nakalagay umano sa mga duffle bag.


Ikinumpara ito sa naunang isyu tungkol sa umano’y maleta ng pera na ibinulgar ng 18 ex-marines, na sinasabing nagmula sa kickback ni dating Cong. Zaldy Co at nai-deliver umano sa ilang opisyal ng gobyerno at mga pulitiko.


Sa gitna ng mga alegasyong ito, patuloy na umiinit ang diskusyon sa publiko tungkol sa umano’y iregularidad sa paggamit at paghawak ng pondo ng gobyerno. Boom!


XXX


MASAMANG PANGITAIN NA HANGGANG NGAYON APAT NA SENADOR PA LANG ANG PUMIRMA SA BLUE RIBBON COMMITTEE REPORT – Nanawagan si Senate President Pro Tempore Ping Lacson sa kanyang mga kapwa senador na pirmahan na ang partial committee report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon sa flood control scandal. Sa ngayon, apat pa lamang ang lumalagda rito, kabilang sina Senators Bam Aquino, Kiko Pangilinan, at Risa Hontiveros.


Nakasaad sa naturang committee report ang panawagan para sa imbestigasyon sa mga kaalyado ni Vice President Sara Duterte, kabilang sina Senators Chiz Escudero, Jinggoy Estrada, at Joel Villanueva. Ito umano ang isa sa mga nakikitang dahilan kung bakit, bukod sa mga miyembro ng minority, ay marami rin sa majority senators ang nag-aatubiling pumirma.


Sa totoo lang, masamang senyales ito para sa Kamara na nagsusulong ng impeachment laban kay VP Sara, dahil maaari ring mauwi sa mababang bilang ng mga boboto ng pabor—halimbawa, apat lamang ang “yes” at posibleng 20 senador ang “no” sa impeachment ng bise presidente. Period!


XXX


ANG KUPAD NAMAN UMAKSYON NG OMBUDSMAN KASI LAST YEAR PA MAY NABULGAR NA MGA KONGRESISTANG SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL PERO NGAYON PA LANG SILA IIMBESTIGAHAN – Inanunsyo ng Office of the Ombudsman na 26 kongresista ang kanilang iniimbestigahan kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa mga flood control projects.


Gayunman, binigyang-diin ng ilan na matagal nang lumutang ang mga ulat tungkol sa umano’y iregularidad sa mga nasabing proyekto, kaya’t kinukuwestyon kung bakit ngayon lamang ito pormal na iniimbestigahan.


Nanawagan ang publiko na maging mas mabilis at masinsinan ang imbestigasyon upang agad na mapanagot ang mga dapat managot at maiwasan ang pag-ulit ng mga iregularidad sa mga proyektong pang-imprastraktura. Tsk!


XXX


SA PANAHON NG MARCOS ADMIN, UBOD NANG LAKAS SA CUSTOMS ANG

'KIMBERLY GANG' – May mga ulat na sa kasalukuyang administrasyon ay umano’y lumalakas ang operasyon ng isang grupo ng mga smuggler na tinatawag na “Kimberly Gang,” na sinasabing nakapapasok ng mga kargamento sa Bureau of Customs nang walang inspeksyon o paghihigpit.


Ayon sa mga alegasyon, malayang naipapapasok at nailalabas ang kanilang mga kargamento sa adwana nang hindi nasisita o nasisiyasat nang mabuti.


Nanawagan ang ilan na mas paigtingin pa ang inspeksyon sa mga kargamentong ito upang matiyak na walang ilegal na laman, kabilang ang posibilidad ng kontrabando tulad ng ilegal na droga. Layunin nito na maiwasan ang pagdami ng mga sangkot sa ilegal na kalakalan sa bansa. Boom!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page